in

Ika-5 taong Anibersaryo ng Sant’Andrea Filipino Community, ipinagdiwang sa Empoli

Renewed Servants: Leaders for the new evangelization.

 

 

Mahalaga ang buwan ng Abril 2018 para sa mga kababayan nating taga Empoli sapagkat sa buwang ito pumatak ngayong taon ang araw ng pagdiriwang ng ika-5 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Sant’Andrea Filipino Catholic Community-Sentro Katoliko Filipino. Ang pagdiriwang na ginanap noong ika-2 ng Abril sa Sala Teatro Il Momento ay umikot sa kanilang napiling tema: “Renewed Servants: Leaders for the new evangelization”.  Sa pamamatnubay ng kanilang butihing pastol na si Rev. Fr. Cris Crisostomo ay maipagmamalaki ng komunidad na ito ang kanilang buhay at masiglang pamilya katolika na laging handang harapin ang lahat ng pagsubok buklod ng iisang pananampalataya. Ang buod ng homily ay napapaloob sa mga katagang ito: “Many are sacramentalized but NOT evangelized”. Ang bagong hamon na ito ni Fr. Cris ay isa ring paanyaya para sa lahat sa kanilang pagpasok sa bagong yugto ng buhay parokya sa loob ng taong ito patungo sa kanilang ika-6 na taon. Ayon kay Fr. Cris, lubos ang kanyang pasasalamat dahil sa ipinapakitang suporta ng kanyang mga parishioners. Ang lalo pang lumalaking bilang ng mga dumadalo sa tuwing may banal na misa at mga mahahalagang pagdiriwang tulad nga ng anibersaryo ng taong ito ay isa lamang malinaw na  patunay na nagiging epektibo ang kanilang ginagawang ebanghelisasyon sa modernong panahon.

Ang kanilang chaplain na si Fr. Cris Cristostomo ang main celebrant sa pagpapasalamat sa Diyos sa Misa Concelebrada kasama si Fr. Reynolds Corcino. Dumating din ang  pinakabatang Obispo sa buong italya na nakatalaga sa diyosesis ng San Miniato Pisa na si Mons. Andrea Migliavacca na nagpaabot ng kaniyang pagbati at pagbasbas sa lahat ng nakiisa sa ginawang pagdiriwang. Ayon sa kanya: “Ang mga Pilipino ay isa sa mga pinagpalang komunidad dahil bigkis ng iisang paniniwala sa Diyos ng pagmamahal at pagpapatawad. Ang unang nararapat gawin ay patuluyin ang Espiritu ng ating Poon na namatay at muling nabuhay para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. Susunod dito ang ating misyon na dalhin ang magandang balita sa laht ng taong ating makakasalubong sa ating landas sa ating pangaraw-araw na pamumuhay” .

Pagkatapos ng banal na misa ay nagpatuloy ang programa na binigyang kulay at saya ng iba’t ibang grupo na nagpamalas ng kaniya-kaniyang talento sa pagsayaw at pagawit. Maging ang kanilang chaplain at mga active sisters ay nakiisa sa pagsayaw, simbolo ng pagiging isang malaking pamilya na nagkakaisa at nagagalak sa pagdiriwang ng anibersaryo na nagkataong napapaloob pa sa panahon ng pasko ng pagkabuhay.

Taospusong pasasalamat mula sa chaplaincy ng komunidad ng Empoli sa lahat ng nakiisa sa pagdiriwang ng anibersaryo na nanggaling sa iba’t ibang probinsya ng rehiyong Toskana. Nagsipagdalo ang mga sumusunod: Franciscan Sisters of the Transfiguration of Firenze, Santo Rosario Filipino Catholic Families of Firenze, San Barnaba Filipino Catholic Community of Firenze, Catholic Charismatic Renewal Movement of Firenze, El Shaddai Cell Group of Firenze, San Barnaba Youth Group of Firenze, Filipino Catholic Community of Prato, Filipino Catholic Group of Pistoia, Filipino Catholic Group of Livorno, CONFED (CFCT) Toscana, OFW Watch Tuscany, Samahang Ilocano Toscana, Gabriella Women’s Group Toscana, Comunità Greco-cattolica Romena Firenze, Timpuyog Group Firenze, Saranay Group Firenze, Mindoreñans Group Firenze, Mabinian’s Group Firenze,San Jose Santo Tomas Group of Firenze, San Jose Lipa Group of Firenze, UNIFIL Empoli, Guardians International (GI) 1st Legion Montecatini Terme, RGI-Alakdan Blue Falcon Montecatini, PH Bikers Empoli, FEA Empoli, at Antipolo San Agustin Alaminos Group Firenze.

Marapat lamang na ipagpasalamat ng lahat ang biyaya ng paghahasik ng Mabuting Balita ng Panginoon at ang pag-usbong ng pananampalatayang Katoliko sa komunidad na ito ng Empoli limang taon na ang nakakaraan. 

 

Quintin Kentz Cavite Jr.

Photo credits:

photographers SKP-Empoli

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

LAWIN Guardians Int’l Peacemaker Rome Chapter, nagdaos ng ikalawang anibersaryo

Mabinian’s Group of Florence, nagdiwang ng unang anibersaryo at MAPFED naitatag