in

Ika-7 Anibersaryo ng Santo Rosario sa Firenze, ginunitang puno ng grasya

Likas sa ating mga Pilipino ang pagiging relihiyoso at pagkahilig sa kasiyahan kung kaya’t hindi nakapagtataka kung bakit isa ang Pilipinas sa may pinakamaraming kapistahang idinaraos at ipinagmamalaki at ito ay dala-dala natin saan mang dako ng mundo tayo mapadpad.

Noong ika-7 ng oktubre sa Circolo Ponte a Ema sa Firenze ay ginunita ang ikapitong anibersaryo ng debosyon sa Nuestra Señora Virgen del Santissimo Rosario Reina de Caracol sa pangunguna ng mag-asawang sina Erick at Arlene Abutin.

Nagsimula ang  pagdiriwang sa pamamagitan ng banal na prusisyon ng Santo Rosaryo sa himig ng Ave Maria hanggang sa pagpasok ng Mahal na Birhen ng Santo Rosario, Reina de Caracol sa lugar na pinagdausan ng ebento. Pagkababa ng andas ng Birhen ay sinalubong siya ng palakpakan ng lahat tanda ng  paggalang at pagpapakita ng tunay na pagmamahal sa Ina ng sambayanang katoliko. Sumunod ang tradisyonal na pagaalay ng mga bulaklak mula sa iba’t-ibang asosasyon dala ang kanilang mga patron.

Ang San Agustin group ay nag-alay ng mga bulaklak kasama ang kanilang patron na si San Agustin.  Ang Red Soil naman ay dala si San Roque,  ang Mindoreñans Group kasama si San Jose, ang Quezonians Group of Florence  dala ang patron na San isidro Labrador,  ang Mabinians Group of Florence  kasama ang patron nilang si San Francesco di Paola,  ang Pangasinsense Group naman ay kasama ang Birhen ng Manaoag, Samahan ng Lobo Batangas  naman ang nagdala kay San Miguel Arkanghel, at para sa komunidad ng Pistoia ang Birhen ng Fatima. Sumunod agad pagkatapos ng pagaalay ng mga bulaklak ang mataimtim na pagdarasal ng santo rosaryo.

Nagbigay naman ng mahalagang mensahe ang panauhing pandangal sa pagdiriwang na iyon na si Ambassador Grace Relucio Princesa,ang bagong Ambassador ng Embahada ng Pilipinas sa Vatican State. Matapos niyang pasalamatan ang komunidad sa mainit na pagtanggap ay kanyang binigyang diin ang kahalagahan ng pagiging tunay na pilipino sa isip, sa salita, at sa gawa at ang pagpapatuloy ng mga kaugalian sa mga bagong henerasyon. Ayon sa kanya, ang mga magulang ang may obligasyon na pangalagaan ang mga tradisyon ng ating bansa at ito ay dapat na laging dala saan mang dako ng mundo tayo mapadpad. Sa tanong na “Sino ako?” ay dapat na malinaw at kumbinsido ang sagot: “Ako ay Pilipino!”.

Bahagi din ng selebrasyon ang pagdiwang ng eukaristiya sa pangunguna ni Fr. Cris Crisostomo kasama ang mga concelebrants na sina Padre Angelo Campana at Fr. Harold Toledano. Buhay na buhay ang banal na misa  dahil nakiisa ang lahat sa pagkanta ng mga awitin ng papuri sa Panginoon.

Pagkatapos ng banal na pagdiriwang ay sumunod agad ang pinakahihintay ng lahat, ang highlight ng nasabing kapistahan: ang Caracol Dance. Ang bawat grupo ay buong pagmamahal na nagsalitan sa pagsayaw, kasama ang pinakamamahal na Reina de Caracol. Ang partikular na sayaw ng Caracol ay indayog ng pagbubunyi, pasasalamat, pagdalangin at damdamin ng pagbibigkis at pagkakaisa, buklod ng iisang INA ng sambayanang pinagpala, Inang tagapagtanggol at gabay sa buhay.

Nakiisa din sa sayaw ng Caracol ang Mother General ng Franciscan Sisters of the Transfiguration na si Mother Rizalina Gutang at maging ang Consul ng Philippine Consulate sa Firenze na si Dott. Fabio Fanfani na nagpasalamat dahil sa pagdala ng napakayamang tradisyon na ito sa kanyang nasasakupan. Ayon sa kanya ay kayamanan itong dapat ingatan at ipamana sa mga bagong henerasyon.

Bilang founders ng Santo Rosario sa Firenze, malaki ang pasasalamat ng mag-asawang Erick at Arlene Abutin sa lahat ng nakiisa sa pagdiriwang kasama ang mga kinatawan ng San Agustin Group, Red Soil, Mindorenians, Quezonians, Mabinians, Pangasinense Group, Lobo Batangas Group, Annak ti Santa Catalina, Fil Golden Group, Aguman, Pistoia Filcom, Confed Tuscany, OFWatch, Fccf San Barnaba, Independenza Group, Saranay group, San Jose/Santo Tomas Batangas Group, RBGPII, Guardians Emigrant (GE) Montecatini Terme, San Barnaba Filipino Youth, Franciscan Sisters of the Transfiguration, at iba pang mga panauhin na nagbigay buhay sa araw ng anibersaryo.

Kaugnay pa rin ng ebento, ilang araw makalipas ang pagdiriwang ay nagtungo ang mga miyembro ng Santo Rosario Family sa tanggapan ng Consul ng Florence Consulate upang tanggapin ang Award of Recognition mula sa CFCT at kay Consul Fabio Fanfani. Sa courtesy call na  ito, kasama ang CFCT President na si Divina Capalad, ay muling pinuri ng butihing Consul ang mga taong nasa likod ng matagumpay ng pagdiriwang na punong-puno ng kahulugan. Ayon sa kanya ay naipakita ang pagkakaisa at tunay na debosyon ng komunidad sa kanilang pananampalataya. Matapos magbigay ng mensahe ay iginawad ng Consul ang mga medalya at plaque sa pamilya ng Santo Rosario-Firenze bilang pasasalamat at pagkilala sa kanilang malaking ambag sa komunidad sa Firenze.

 

Quintin Kentz Cavite Jr

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Anticipated separation pay ng mga kasambahay, maaari ba? Paano?

ora-solare-Ako-Ay-Pilipino

Ora solare 2018, nagbabalik!