Milan, Enero 7, 2015 – Kaugnay ng pamimigay aginaldo sa Kapaskuhan, ilang grupo ng mga Pilipino sa Milan ang boluntaryong nagbahagi ng pagkain tulad ng mainit na lugaw sa malamig na panahon matapos ang misa ng simbang gabi, panettone, cakes at hamburgers bilang pamasko.
Isa na dito ang Alpha Phi Omega Milan AA 174 International Fraternity na nagbigay ng mainit na lugaw sa Basilica di Sto. Stefano.
Laking pasasalamat ng maraming Pilipino sa nasabing grupo dahil matapos ang isang buong araw na trabaho, karamihan ay mga part timers, ang mabilis na humabol ng misa. Bukod sa init na dulot ng lugaw ay naging pantawid gutom ito.
Samantala, sa Basilica di San Lorenzo, Milan ay dinumog din sa pagbibigay ng mainit na lugaw ang Tau Gamma Phi fraternity pagkatapos ng misa.
Ang DABARKADS Foundation naman ay namigay ng panettone at iba pang mga cakes sa Basilica ng San Lorenzo Milan.
Ang Bantay Bayan International ay nagbigay din ng mga humburger at inumin mula sa Central Station ng Milan hanggang sa Cordusio bilang pamasko ng grupo sa komunidad, Pinoy man o hindi. Maagang pamasko din ang kanilang ibinigay sa Aetas sa Pilipinas, ayon kay Carlos Dimaano, Bantay Banyan International President.
Nagtapos ang nasabing grupo sa Basilica di San Lorenzo kung saan, sa unang pagkakataon ay nagkadaupang palad ang dalawang presidente, ng Bantay Bayan International at ng DABARKADS Foundation. Ang pagkikitang ito ay naghatid ng magandang bunga. Inaasahan ng dalawang grupo ang isang pagpupulong at palitan ng kuro-kuro hinggil sa isang magandang layunin.
Samantala, pinasalamatan ni Rev. Fr. Emil Santos ang lahat ng grupo na nagsagawa ng adhikaing ito para sa buong komunidad at muli niyang binati ang buong Filipino Community ng isang Maligayang Pasko!
Chet de Catsro Valencia
Photo credits:
Apo Milan AA 174, Tau Gamma KBT, Jesica Bautista