Maraming mga bata na ipinanganak sa Italya, matapos magpasa ng Estrato di Nascita sa Embahada at Konsolato sa Milan, ay walang rekord sa PSA.
Ang Estrato di Nascita, ay ang birth certificate sa Italya kung saan nasusulat ang lugar, petsa at oras ng kapanganakan ng bata pati na rin ang buong pangalan ng mga magulang.Ito ay kinukuha ng mga magulang sa Munisipyo (Comune) kung saan ipinanganak ang bata. Bukod dito, ang Certificato di Nascita o Hospital record, pasaporte ng magulang lakip ang applicatin form at kaukulang fee, upang maipatala ang tinatawag na Report of Birth o ROB.
Ang hakbang na ito ay kailangang gawin upang maiparehistro ang kapanganakan sa loob ng 3 buwan sa Pilipinas upang magkaroon ng record sa dating National Statistics Office o NSO na ngayon ay Philippines Statistics Authority o PSA.
“The birth of a Filipino citizen abroad must immediately be reported to the Philippine Embassy or Consulate, through the application of the ROB. The ROB will be forwarded to the Department of Foreign Affairs every end of the month for onward transmittal to the Philippine Statistics Authority”, ayon sa PE Rome website.
Samakatwid, kinakailangan na maiparehistro ang mga bata na ipinanganak maging ang mga ikinikasal, sa Embahada o Konsulato sa Italya. Ang serbisyo ay binabayaran ng €22.50 para maproseso ang pagpapadala ng rekord sa NSO.
Marami ang nagrereklamo dahil ang mga batang ito ay nai-isyuhan na ng Pasaporte ngunit walang rekord sa Pilipinas. Ang iba pa nga ay nakakapagpalit na ng dalawang beses (2) subalit sa huli ay wala palang rekord para makakuha ng PSA.
Ang kawalan o ang pagka-antala sa nabanggit na hakbang ay magpapabilang sa late registration ng bata at karagdagang dokumento o ang Affidavit of Delayed Registration ay kinakailangan.
“An Affidavit of Delayed Registration is required if the child is already more than one month old at the time of registration of his birth. TheAffidavit of Delayed Registration shall be supported by a Negative Report of Birth issued by the Philippine Statistics Authority in Manila” , mababasa sa website ng Philippine Embassy.
Ang nasabing affidavit ay nagkakahalaga ng karagdagang € 22.50. Samakatwid, ay magbabayad pa uli ng panibagong affidavit.
Dahil napakahalagang dokumento nito, obligado na may awtentikadong kopya sa PSA mula sa orihinal na kopya ng Birth Certificate o Marriage Contract na dapat sana ay ipinapadala ng Foreign Post sa tangapan sa Pilipinas.
Dahil dito may mga Netizens na nagpahayag ng diskontento sa mga pangyayari. Sa ilang post sa social media, lumalabas na hindi konti ang naapektuhan ng ganitong mga pangyayari at kapabayaan partikular ang mga ofw na halos habulin ang oras para sa trabaho at pamilya.
Kaugnay nito, kinumpirma ni Consul Mellejor ng Philippine Consulate General in Milan ang pagkakaroon ng ganitong mga kaso.
“May mga magulang ang nagagalit matapos nilang madiskubre na walang ROB ang kanilang mga anak na ipinanganak sa Italya (o ROM ng mga ikinasal sa Italya). Nauunawaan po namin sila. Kaya ang ginagawa po namin dito sa PCG Milan, kapag mayroong kopya o resibo ng ginawang ROB sa nakaraan ay hindi na po namin sinisingil. Iniiwasan po namin ang magbayad ulit sila, hindi naman tama iyon. Bigyan lamang kami ng Negative Report of Birth mula PSA“.
“May 3 drop points po ang mga ROB: Embassy or Consulate, DFA at PSA. Pagkatapos kaming bigyan ng Negative Report of Birth mula PSA, at least kahit month and year po ang ibigay sa amin kung kailan ginawa ang ROB ay hahanapin namin ito sa aming Archives. Mahirap din po kasi ang Double Registration, may bukod na proseso iyon“, dagdag pa ni Consul.
Bilang payo, ayon pa kay Consul, huwag na umanong hintayin pang madiskubre na walang birth certificate sa panahon kung kailan ito kailangang-kailangan. “Sa ating pagbabakasyon sa Pilipinas, subukan na po nating magpunta sa PSA at subukang humingi ng ROB. Kung wala silang kopya, magbibigay sila ng Negative Report of Birth at mas maaga nating magagawan ng solusyon ang problema“, pagtatapos ni Consul Mellejor.
Ibarra Banaag