in

Ilang Pilipinong sangkot sa paggamit at pagbebenta ng bawal na gamot sa Milano, arestado

Sa halip na lumamig ang usap-usapang sangkot ang komunidad ng mga pilipino tungkol sa isyu ng ipinagbabawal na gamot, partikular ang shabu o crystal meth (methamphetamine hydrochloride)  lalong mas umiinit ito dito sa bansang italya dahil na rin sa mas dumadami pang bilang ng mga Pilipinong nababalitang may kinalaman sa paggamit o pagbebenta ng ilegal na droga.

Isang bagong kaso na naman ng pagkakahuli ng mga pusher at user ng shabu sa Milano ang umani ng iba’t-ibang reaksyon mula sa mapayapa sanang komunidad ng mga Pilipino sa Italya.

 Ayon sa imbestigasyon ng anti-narcortics police, ang lugar ay matagal ng minamatyagan at mainit sa mata ng mga kapulisan. Hindi umano ito ang unang pagkakataon na mapapansin ang mga kahina-hinalang kilos ng mga nakatira dito at ng mga taong patuloy na lumalabas-pasok sa naturang tirahan.

 Isang Pilipina ang inaresto ng mga pulis matapos itong lumabas ng bahay kasama ang kanyang 3-taong gulang na anak na babae at mahuling nagbenta ng droga.  Alam ng ginang ang kanyang pupuntahan at sigurado sa bawat hakbang na ginagawa.

 Sa kabilang parte ng kalsada ay mapapansin ang isa pang Pilipino na papalapit sa pinaghihinalaang pusher. Walang nangyaring anumang usapan ngunit mabilis ang paglapat ng kanilang mga kamay at palitan ng droga at pera. Hindi pa halos nakakalayo ang buyer  nang pumasok sa eksena ang mga pulis.  Nakumpiska sa 29-anyos ang 0,2 gramo ng shabu na naghahalagang 30 euro. Hindi dito nagtapos ang operasyon. Pumanhik sa bahay ng nahuling pusher ang mga ahente ng pulisya upang mag-conduct ng search operations. Nagulat ang mga ito ng makita sa loob ng bahay ang dalawa pang gumagamit ng bawal na gamot at iba’t ibang drug paraphernalia. Napag-alaman na ang mga kliyente ay maari ding magpalipas oras sa loob mismo ng bahay ng pusher  at doon na rin isagawa ang pag-aabuso ng bawal na gamot.

Ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay isang salot na mabilis na kumakalat sa mga komunidad ng mga imigrante sa Italya. Ngunit mapapansin na mas lalong dumadami ang bilang ng mga Pilipinong nasasangkot dito.

 Samantala, ang 3-taong gulang na anak ng naarestong pusher sa utos na rin ng korte ay nasa pangangalaga ng mga assistenti socialihabang ang kanyang ina ay nasa rehabilitation procedure. Napag-alaman din na ang ama ng bata ay kasalukuyang nakakulong pagkatapos nitong maaresto ng dahil din sa pagtutulak ng bawal na gamot. Inaasahang ang paslit ay muling maibabalik sa kanyang ina pagkatapos na makumpleto nitong huli ang rehabilitasyon na inaasahang magbibigay ng bagong halaga sa kaniyang buhay.

 

Quintin Kentz Cavite Jr.

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Lucas Nathaniel, pinarangalan bilang “Little Ambassador of Peace”

MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA PNEUMONIA o ‘PULMONYA’