“Hindi selos bagkus ay pambabastos ang dahilan ng kaguluhan. Ako ay isa sa mga binastos ng Italyano!”
Matapos ibalita ng Ako ay Pilipino ang naging kaguluhan sa Parco Meda sa Monti Tiburtini, na lumabas na sa italian media June 10 pa lamang, ay naglabasan ang iba’t ibang bersyon ukol sa mga pangyayari at nakapanayam ng Ako ay Pilipino ang isa sa naglakas loob na tumangging ibigay ang pangalan at isa umano sa binastos ng Italyano.
“Sobrang dami ng mga tao sa Parco Meda ng araw na iyon. Nandun ako kasi umattend ako ng birthday. Mga 1 to 1:30 pm”, kwento ng Pinay sa Ako ay Pilipino.
Bakit mo nasabi na pangbabastos ng Italyano ang naging simula ng gulo?
“May Pinay kasi na nag-cr na binuksan ng mga Italyano iyung pinto kaya nagsumbong sa bf yung girl kaya nag-init ang Pinoy. Umaga pa lang nangbu-bully na ang mga Italyano. Pati ako binastos nila dahil noong pupunta ako ng banyo ang gusto ay sabayan ako kaya hindi na ako nagbanyo. Hindi na nga lang pinatulan ng asawa ko kasi nga ayaw ng gulo, pero kung sinabi ng asawa ko sa mga kasama namin or sa ibang nandun baka mas maaga pa lang kagulo na”.
Anong oras noong ikaw ay bastusin? Anong oras nagsimula ang gulo?
“Bandang alas 3 iyon pero ang kaguluhan talaga siguro mga 6 or 7 pm na”.
Ano ang iyong nasaksihang pangyayari?
“Noong una pinag-pasensyahan na nga lang ng mga Pinoy kasi ayaw ng gulo. Syempre may mga naka-inom na kaya hindi na nakalma kaya binanatan na nila nung binuksan yung pinto ng cr na may babae sa loob kaya mismo sa may cr nung mangyari yon.
Iyung matanda na italyano na sugatan ay nadapa naman yun dahil nasagi nung magtakbuhan. May hawak sya na bote kaya dun sya tumama. Ayon sa ilang balita ay sinaksak daw ng Pinoy, hindi po nabasag yung dala nyang bote sa kanya mismo.
Siguro nga may nabugbog ngang Italyano, iyung mga naiwan dun matapos magtakbuhan kaya sya yung napuruhan, siguro sa banatan pero marami kasi sila at nagtakbukhan iyung ibang kasama nung magbatuhan na ng bote.
At may dalawang Pinoy nga na naospital kasi iyung isa tinamaan ng bote sa mukha kaya basag ang mukha.
Umalis na rin kami nung nagkagulo na pero sabi sa amin nung mga naiwan ay bumalik pa yung mga italyano at nagsama pa ng resbak at yung may pahanda mismo dun sa may locale ang syang ginulo at ipinagtutumba yung mga lamesa.
Nabalitaan din namin na naabutan ang isang Pinoy na nasa locale e sakto may nahuli patalim sa bag kaya siguro iyon ang ginamit nila pero iyung mga dinampot nila ay hindi kasali sa gulo”.
Bakit wala ang mga sinasabi mo ngayon sa police report o sa press release ng awtoridad? Mayroon bang nagsalita para sa side ng mga Pilipino o mayroon bang gumawa ng contra denuncia sa mga nakasaksi?”
“Mga natakot ang mga Pinoy na nandoon, wala ring gumawa ng contra denuncia, ayaw na masama pa sa gulo siguro.
Hindi Pinoy ang nagsimula ng gulo, nagsasaya lang doon pero sila ang lumabas na masama. Nakita ko lang ang nangyari kaya hindi kaya ng kunsensya ko na ang mga Pinoy na nga ang ginulo sila pa ang lumabas na masama, pero pakiusap huwag nyong isasama ang pangalan ko, ayaw ko ring masama sa gulo”, pagtatapos ng Pinay.