Humigit kumulang sampung botante kada araw ang nadidiskubreng wala sa listahan ng Overseas voters sa Roma. Ayon sa Comelec, nagpalabas na ito ng bagong listahan ng mga botante.
Roma, Abril 20, 2016 – Sa pagsapit ng higit sampung araw matapos simulan ang Overseas Absentee Voting, maraming rehistradong Pilipino sa Roma ang nananatiling may katanungan at dismayado sa ilang naitalang ‘anomalya’ buhat mismo sa report ng mga registered voters.
Sa mga kasong naitala ay nananatiling nagtatanggal ito ng karapatan sa ilan at nangangailangan ng solusyon at kasagutan.
Narito ang ilan:
1) Precinct Finder ng Comelec (narito ang link).
Ayon sa Embahada ng Pilipinas sa Roma, upang matiyak na kabilang sa mga Certified Overseas Voter ay maaaring sumangguni sa online Precinct Finder ng Comelec. Ngunit ilan sa Overseas voter na nasa master’s list o listahang papel buhat sa Comelec ay ‘OV Record Not Found’ ang resultang makikita sa link o sa online verification tool. Ito ay nangangahulugan lamang na hindi sapat ang sangguniin ang link na ito at mabuti pa rin ang magtungo sa Embahada upang sanguniin ng personal ang listahang buhat sa Comelec.
2) Ilang Certified Overseas Voter sa Roma ang natagpuan sa Post Finder na kabilang na botante sa Milan at hindi sa Roma. Nangangahulugang marahil ang ibang registered voters ay nasa ibang Europe post ang balota at kailangang hinging ipadala ito sa Roma upang makaboto sa pamamagitan ng postal vosting.
3) Humigit kumulang sampung botante sa Roma kada araw, ayon sa source ng Ako ay Pilipino, ang nadidiskubreng wala sa listahan ng mga Overseas Voters. Karamihan sa mga Overseas voter na regular na bumoboto tuwing magkakaroon ng OAV o mga nag-reactivate ng kanilang status sa ginanap na registration noong nakaraang taon at pawang mga nakatanggap ng kanilang voter’s ID ay natuklasang wala sa Master’s list ng embahada buhat sa Comelec.
Una na rito si Maria Josephine Jarina. Magkahalong galit at panghihinayang ang mababakas sa mukha ng lumabas ng Embahada habang bitbit pa ang dalawang voter’s ID nito.
“Nanghikayat pa ako ng mga kasabay kong Pilipino sa bus para bumoto, pagkatapos ay ako pala ang hindi makakaboto!”, kwento pa ni Josephine.
Bumoboto umano si Josephine tuwing may overseas voting. Sa katunayan, hindi na sya pinag-parehistro noong nakaraang taon dahil nasa listahan pa sya umano ng Comelec.
Kumbinsidong makakaboto ngunit dismayado ngayon dahil hindi pinaboto dahil wala ang kanyang pangalan sa master list ng Comelec.
Isa rin si Luis Salle, tubong Caloocan at 8 taon na sa Italya sa hindi rin nakaboto ngayong halalan dahil wala rin si Luis sa master list buhat sa Comelec.
Ayon kay Luis, bagaman hindi sya nakaboto noong huling overseas absentee voting kanya umano itong pinasuri noong nakaraang Setyembre. Ngunit hindi tinanggap ang reactivation ni Luis dahil nananatiling aktibo pa ang kanyang status sa Comelec. Bilang patunay ay kanyang kinunan ito sa pamamagitan ng cell phone.
Noong nakaraang buwan ay kinuha pa ni Luis ang kanyang voter’s ID at kanya uling pinasuri ang status. Aktibo pa rin ito ngunit bigo at bad trip ngayon si Luis dahil ng siya ay boboto na, wala na ang kanyang pangalan sa master list.
Pati si Reynaldo Abella Aguilla at ang kanyang kabiyak ay pareho ring hindi nakaboto.
Ayon kay Rey, postal voting umano ang kanilang pinili noong nakaraan OAV ngunit noong nakaraang buwan ay kanilang kinuha sa Embahada ang parehong voter’s ID upang sa taong ito ay bumoto ng personal.
Bukod sa hindi pagboto ay nagtataka rin si Rey dahil ang kanyang dalawang voter’s ID ay mayroong magkaibang pirma at ang isa dito ay hindi niya pirma.
“Sana nga ay may magandang sagot”, pagtatapos ni Rey.
Samantala, sa isang panayam ay kinumpirma naman kahapon April 19 ng Comelec na mayroong mga nawala sa listahan ng mga botante dahil nasira umano ang mga registration machine na naglalaman ng mga pangalan ng mga botante ngunit nagawan naman umano ito ng paraan.
Nagpalabas na umano ng mga bagong listahan ng mga Overseas voters ang Comelec at makakaboto na ang mga rehistradong Pilipino na nawala sa listahan ayon pa kay Comelec Comm. On Overseas Voting Head Arthur Lim.