Tulad ng lahat ng Filipino sa Italya, si Ing. Domingo Borja ay nilisan ang kanyang propesyon bilang inhinyero at nagtungo ng Milan Italy upang makipagsapalaran sa mas magandang kinabukasan para sa pamilya. Pinasok ang lahat ng uri ng trabaho; bilang colf, portiere, driver hanggang nagkaroon ng pagkakataon upang maging isang ganap na business man.
Hindi ito naging hadlang sa kanyang hangaring makabayan at makatao. Sa taong 2006, itinatag ni Borja ang isang asosasyon SOLIDALIS na naglalayong magbigay serbisyo sa ating mga kababayan upang ipakilala ang kulturang Pilipino sa pamamagitan ng pagtatanghal ng mga programang kultural, mga conventions at mga debates ukol sa integrasyon at sa iba’t ibang angolo ng buhay migrante kabilang ang mga karapatan at obligasyon bilang mga dayuhan sa bansang Italya.
Lahat ng mga ito ang nagtulak kay Borja sa isang mas malalim na posisyon at mas mabigat na obligasyon para sa kanyang mga kababayan na naniniwalang Sya ay magiging tinig ng mga Filipino sa Milan hanggang sa loob ng Konseho. Ang 45,000 populasyon ng mga Filipino sa Milan (kabilang ang mga naghihintay ng regularisasyon) na syang pinakamalaking popolasyon ng mga dayuhan sa kasalukuyan ay umaasa sa isang Domingo Borja upang: makamit ang karapatang bumoto, ang makilala at magamit ang propesyong inumpisahan sa Pilipinas ng ating mga kababayan, ang magkaroon ng mga representatives na dayuhan sa bawat munisipyo at mahikayat ang mga kabataang maging bukas sa usaping politikal ng bansang kanilang sinilangan dala ang tatak bilang isang Filipino. Ito ang sigaw na ipinaglalaban ni Ing. Borja!
Isang panawagan sa ating mga kababayan. Isang tulong na tayong lahat ang makikinabang! Sa bawat tahanan ng mga Italians, Filipino ang inaasahang mangangalaga at pinagkakatiwalaan. Ang ating pagkatok sa kanilang tulong sa darating na halalan para sa mas maayos na pamumuhay ay hindi naman magiging isang kalabisan.