Matagal na inaantay ng ating mga kababayang OFW sa Napoli ang pag-umpisa ng Leadership and Social Entrepreneurship Training Program. Ito ay inilunsad noong ika 24 ng Enero sa meeting hall ng Chiesa Agostino, Sta. Teresa Degli Scalzi.
Si dating OWWA Welfare Officer Ann Gregorio ang siyang nagbukas ng programa at mainit na pangtanggap sa mga participants; sumunod na nagsalita ang mga representante ng ibang mga institusyon na nagpapatakbo ng nasabing programa: si Maris Gavino, bise-presidente ng Associazione Pilipinas OFSPES; si Edgar Valenzuela ng OFSPES Philippines at nina Cristyl Mae Senajon ng Ateneo University School of Government at Vincent Rapisura ng Ateneo University at SEDPI na siya ring pinaka-resource person para sa unang module na tungkol sa financial literacy. Si Cristina Liamzon, presidente ng Associazione Pilipinas OFSPES ang nagbigay ng kalahatang pagpapaliwanag tungkol sa programa ng LSE, ang layunin ng programa at ang mga kinakailangan para makapasok at makatapos ng training. Ipinaliwag din kung anu-ano ang mga module o paksa na tatalakayin sa mga session.
Ang programang ito na isang kolaborasyon ng limang institusyon: Philippine Embassy to Italy, ang Philippine Overseas Labor Office (POLO), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at ng Associazione Pilipinas OFSPES ay unang ginanap sa Roma. Ang pinakaunang grupo (LSE1) ay nag-umpisa noong Abril 2008 at ang mga pangunahing mga trainees ay nagtapos ng 16 na sessions sa loob ng isang taong pag-aaral. May 37 na nagtapos galing sa 51 na natanggap sa programa. Ang sumunod na grupo, bunibuo ng 49 na trainees ay nag-umpisa noong Hulyo 2009 at ang kanilang graduation ay nakatakda para sa ika-18 ng April ngayong taon 2010.
Sa hiling ng ating mga kababayan sa Napoli, ang LSE ay inumpisahan noong buwan ng Enero at matatapos ang 16 na session sa Oktubre 2010; may dalawang session ang nakatakda bawat buwan – sa tuwing ikatlo at ikaapat na Linggo.
May humigit sa 30 participants ang dumalo sa unang training session ng LSE-Naples.
Muling pinaaalam sa ating mga kababayang nakatira sa Napoli at karatig lugar na sumali sa LSE program na tiyak na makakatulong sa pagpapalawak ng mga kaalamanan tungkol sa pagiging mas mahusay at matatatag na mga lider at sa pagbubuo at pagtatayo ng mga social enterprise (o kaya’y mga business na mayroong aspetong tumutugon sa mga problema sa ating mga komunidad o lipunan).
Para sa nagnanais ng mas marami pang impormasyon ukol sa LSE program para sa Napoli, mag-email lamang kay: cristina.liamzon@gmail.com. Ang programa ay bukas sa mga gustong sumali hanggang sa katapusan ng Enero 2010.
(Associazione Pilipinas Ofspes – Non-profit)