in

INILUNSAD: UNANG PAMBANSANG KONGRESO NG OFW WATCH ITALY

Firenze, Abril 30, 2015 – Isang makasaysayang pagtitipon ang naganap sa magandang siyudad ng Firenze  sa Fuligno, via Faenza 44 noong ika-19 ng Abril, 2015, kung saan ay nagkaroon ng unang pambansang kongreso ang katatatag pa lamang na alyansa ng mga manggagawang Pilipino, ang  OFW WATCH ITALY, isang pambansang makinarya na mangangalaga at magtatanggol sa karapatan at kagalingan ng mga OFW sa Italya at magsusulong sa kanilang interes at welfare.  

Ang Kongreso ay dinaluhan ng 71 opisyal na delegado mula sa Bassano, Bologna, Como, Cuneo, Empoli, Firenze, Genova, Mantova, Milan, Modena, Napoli, Pisa, Roma, Sardegna, Torino, Veneto, Viareggio at 52 mga panauhin at delegasyon ng iba  pang organisasyon mula sa iba’t ibang siyudad, probinsiya at rehiyon ng Italya. Ang mayoridad sa nagsidalo ay ang 4 na pederasyong pangrehiyon, 4 na pederasyong probinsyal, 3 city council formations,  2 organisasyon at mga indibidwal na nagpahayag na ng kanilang pagsapi at pakikiisa sa layunin  ng OFW Watch Italy. May mga organisasyon din mula sa ibang lugar ang di nakarating gaya ng sa Sardegna at Padova nguni’t nagpa-abot din ng kanilang mensahe ng pakikiisa at pagsapi.

Pinagtibay ang saligang batas matapos ang malayang talakayan na pinangunahan ni Rhoderick Ople. Naging tampok sa talakayan ay ang mga nakalatag na layunin nito tulad ng: 1. Ipalaganap ang diwa ng Kapangyarihan ng mga Tao sa pamamagitan ng paghihimok sa mga samahan na sumali sa alyansa. 2. Itaas ang antas ng kaalaman sa mga isyu, problema at impormasyon at serbisyo na may kinalaman at epekto sa mga migrante at mga OFWS. 3.Maglunsad ng mga pagsasanay at edukasyon para sa pagpapatatag ng samahan at pagpapaunlad ng indibidwal. 4. Maglunsad ng mga napapanahong  pananaliksik tungkol sa mga isyu, problema at kalagayan ng mga OFWS at migrante. 5. Maglunsad ng mga mga proyekto, kampanya at mga gawain para para sa aktibong paglahok ng mga kasapi at ng hindi kasapi.

Matatandaang ang unang pangkalahatang  pagpupulong nito ay ginanap sa Bologna noong ika-22 ng Pebrero kung saan ay pinagpasiyahan na ilunsad naman ang Kongreso sa Firenze para sa ratipikasyon ng Konstitusyon at halalan ng mga mamumuno. Naaprubahan din noon ang mga resolusyon hinggil sa petisyon sa hinihinging pagbabago sa OWWA membership at NO to OWWA Omnibus Policy Stand, ang kampanya na NO to 550 airport terminal fee, ang pagsasagawa ng seminar sa pamumuno at iba pang pagsasanay at ang pagkakaroon ng OFW Watch News and Stories na isang online na pahayagan. Bago pa sa pulong na ito ay nagkaroon din ng pakikipagdayalogo sa Konsulato ng Milano at sa Embahada ng Pilipinas sa Roma noong ika- 8 at ika-11 ng Enero, 2015.

Nagbahagi rin ng natatanging presentasyon ang mang-aawit na si Camille Cabaltera at ang biyolinistang si Meddiatrich Aduru na parehong nagpa-antig sa makabayang damdamin ng mga nagsidalo.

Ang panauhing si Avvocato Fabio Martelli ng Union of Democratic Lawyers of Italy ay nag-iwan ng magandang mensahe para sa lahat,  na sa wikang Pilipino ay ganito ang isinasaad,  “Kailangan nating gawin ang ating makakaya para tulungan ang mga kaibigang nagtutungo sa Italya, dahil ang kanilang mga karapatan ay tulad din ng ating mga karapatan.

Ito ay kahalintulad din ng binanggit ni G. Aurelio Galamay ng Bologna, sa kanyang pagpapakilala sa mga delegasyon, na “Ang problema mo, problema ko, ay problema nating lahat. Mabibigyan ito ng tamang solusyon sa pamamagitan ng maayos na pakikipagdayalogo sa kinauukulan.

Isa pang naging magandang bahagi ng programa ay ang pagbibigay ng suporta sa kampanya na Save the life of Mary Jane Veloso, ang ating kababayang nasa Indonesia at may hatol na kamatayan. Ang OFW Watch ay sumusuporta sa kahilingang pag-apela sa kaso ni Mary Jane at panawagan na rin sa gobyerno ng Pilipinas para sa karagdagang pagkilos at pagtulong upang mailigtas ang buhay nito.

Pagkaraan ng ratipikasyon ng Konstitusyon ay sinimulan na ang nominasyon para sa mga ihahalal  sa pamunuan at ito ay pinamahalaan ni COMELEC Chairman Nerissa Tejada ng Torino.

Naging maayos ang kabuuan ng halalan at ang bagong pamunuan ay kinabibilangan ng mga sumusunod: Pangulo- Rhoderick Ople, Bise –Presidente: Norte- Rogelio Reyes, Sentral- Aurelio Galamay at Timog- Demetrio Rafanan, Pangkalahatang Kalihim- Nonieta Adena, Pangalawang Kalihim- Mercedita De Jesus at Ingat-Yaman – Minda Teves.

Si Rev. Fr. Cris Crisosotomo, Jr.  ang nanguna sa pagtatalaga at sa panunumpa ng Pamunuan. Nguni’t bago rito ay nagpahayag muna ng kanyang mensahe, na “Hindi kailangang maging bida, at lalong hindi kailangang maging kontra-bida…ang kailangan sa atin ay maging salba-bida”. Isa pang punto niya ay ang positibong aktibismo na tumutukoy sa pagtulong sa kapwa na isinahalimbawa ng Panginoong Hesus noon.

Nagtapos ang programa na pinangasiwaan nila Rey Tonelada at Nellie Sarmiento,  bilang mga guro ng palatuntunan,  nang may  masiglang paalaman ng bawat delegado taglay ang pag-asa at determinasyon na ipagpatuloy ang nasimulan, na papagningasing mabuti ang alab ng pagkakaisa,na  malawakang maibahagi pa ang paglilingkod sa mga kababayan at maisakatuparan ang layon para sa kapakanan at kabutihan ng manggagawang Pilipino sa Italya.

           

           

 

ni: Dittz Centeno-De Jesus

OFW WATCH News and Stories

OFW WATCH ITALY

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Bonus hanggang 640 euros sa pagpa-file ng income tax return ng mga colf at caregivers

13,000 seasonal job workers, narito na ang dekreto