Ika-2 ng Hunyo nang maagang buksan ng RBGPII Golden Heart Firenze ang summer season sa pamamagitan ng pagorganisa ng isang Bowling Invitational Tournament sa Bowling Center San Romano sa probinsya ng Pisa.
Layunin ng palarong ito ang muling bigyang puwang ang spirit of camaraderie sa pagitan ng iba’t-ibang mga organisasyon sa mga kalapit-lugar ng Firenze at ang makalikom ng pondo para matustusan ang mga proyektong nakatakdang isagawa ng RBGPII Golden Heart Firenze sa kanilang mga beneficiaries sa Pilipinas. Magkakakilala na ang mga manlalaro ngunit ang mga ganitong inisyatiba ay mas lalong magpapatibay sa samahan ng mga Pinoy na mahilig maglaro ng bowling.
Bandang alas 9:30 ay nagsimula ng magsidatingan ang mga kinatawan ng iba’t-ibang asosasyon na madaling makikilala dahil sa iba’t-ibang kulay ng kanilang mga uniforms. Matapos ang isinagawang registration at pagbati sa lahat ng mga kalahok ay nagsimula ng gumulong ang mga bola ng mga afeccionados sa bowling tanda ng nalalapit na opisyal na simula ng torneo.
Naging mainit ang labanan at ang bawat manlalaro ay hindi maiwasang silipin paminsan minsan ang mga puntos ng mga kalaban. Ayon naman sa iba ay mas gusto nilang hindi na malaman ang puntos ng iba para hindi na umano ito makadagdag pa sa stress habang naglalaro. Mapapansin din ang iba’t-ibang bracket ng edad ng mga manlalaro. Mixed ang mga koponan ng mga kabataan at mga middle-aged players, halo din ng male at female players.
Bago pa man umabot ang oras ng tanghalian ay makikita na ang nabubuong kuwadro ng mga scores. Dalawang sets ng laro ang sinunod sa torneo. Ang una ay ang tagisan ng galing ng bawat team na umabot sa tatlong laro. Matapos ang ketegoriyang ito ito ay naglaro naman ang walong may pinakamataas na iskor. Tulad sa inaasahan ng lahat, isa lamang ang tatanghaling magwawagi.
Sa labanan ng mga koponan ay pinalad na maguwi ng tagumpay ang mga sumusunod:
Champion – LBC / Knights of Rizal
1st Runner up – RGI Alakdan Blue Falcon
2nd Runner up – RBGPII Golden Heart Firenze Chapter
3rd Place – GE Montecatini
Highest Pointer Women Division: Blessida Nario
Highest Pointer Men Division: Noel Nario
Samantala, sa kategoriya naman ng Top 8 Singles, ang mga nanalo ay ang mga sumusunod:
Top 1 Champion. — Freddie Lorbis
Top 2 Manuel Len Len Siriban
Top 3. Edwin Songco
Top 4 Elmer Clemente
Top 5 Noel Nario
Top 6. Hans
Top 7 Sam San Jose
Top 8. Eddie Manalo
Kasabay ng pagpapasalamat ng buong samahan ng RBGPII Golden Heart Firenze sa lahat ng lumahok sa torneo at sa mga ginintuang pusong sponsors ay ang kanilang pagnanais na magkaroon pa ng ibang pagkakataon na maulit ang ganitong inisyatiba na lalo pang magpapaigting ng sumisibol na magandang samahan ng mga organisasyon sa rehiyon ng Toskana.
Quintin Kentz Cavite Jr.