Magbuhat nang ibaba ni Prime Minister Giuseppe Conte ng Italya ang dekreto na “Io resto a casa”, na nangangahulugan sa sarili nating wika na “Ako ay mananatili sa bahay”, naging magkahalong reaksiyon ang naging pagtanggap ng maraming Pilipino. Bunsod ito ng kampanya ng gobyernong Italya na mapigilan ang mabilisang paglaganap ng Corona Virus sa buong Italya . Kung mapipigilan nga naman ang paglabas sa bahay nang walang kabuluhan ay mababawasan ang antas ng pagkahawa sa virus.
Kaugnay nito ay ang pagdadala ng dokumentong “autocertificazione” o pansariling deklarasyon na nagsasaad ng personal na impormasyon ng maydala, pati na ang kanyang patutunguhan base lamang sa apat na balidong dahilan. Una ay ang pagpasok sa trabaho; ikalawa ay pagganap sa mahalagang bagay gaya ng pagtungo sa bangko, posta at pamilihan; ikatlo ay ang pagtungo sa doktor, laboratoryo at botika; at pagbalik sa residensiya mula sa paglalakbay. Ang di balidong mga lakad at pamamalagi sa labas ay di pinahihintulutan at may katumbas na multa at kaparusahan.
Kaya ang lahat ay inaasahang sumunod sa batas na ito para na rin sa kabutihan ng lahat.
Pero paano nga ba ang magiging paraan ng pamumuhay nang di nakakalabas ng bahay? Para sa mga Pilipino na kilala sa sipag sa paghahanap-buhay, isa itong malaking kabawasan sa kanilang kinikita dahil sa kanilang mga part-time na trabaho, di sila makakapasok. At sa regular na trabaho naman ay marami din ang hindi muna pinapasok para na rin sa pag-iingat ng magkabilang panig. Ang iba naman ay tuluyan nang nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng ilang establisimyento gaya ng hotel, bar, ristorante at iba pa. Isang bagay pa ay ang pagiging mahilig ng mga Pilipino sa pakikisalamuha sa iba, sa pagdalo sa mga piyesta at aktibidad ng mga organisasyon, pagtungo sa mga panlibangang pook at mga pangkalusugang gawain. Ang lahat ng ito ay nahinto dahil sa pinalawak na regulasyong sarado ang lahat ng mga establisimyento maliban sa palengke, botika, posta at bangko. May ilan ding pinahintulutang mga mahahalagang lokale at patuloy na produksiyon sa mga pabrika.
Ngayong mayorya ng populasyon ng Italya ay nasa kani-kanilang tahanan, ano ba ang ginagawang pampalipas-oras ng marami? Pagkakataon na ito na mas magkaroon ng panahon sa mga anak na walang pasok sa eskwela, sa mga kasama sa bahay na kadalasan ay halos di magkita dahil sa mga magkataliwas na oras ng trabaho, ang pangungumusta sa pamamagitan ng telepono at social media sites sa mga kaanak at kaibigan sa Pilipinas at sa ibang bansa man. Ang mga bata naman ay maaaring maglibang sa pamamagitan ng mga produktibong laro o libangan o kaya ay handicrafts, kasama ang kanilang mga kapatid. Ang mga kababaihan ay maaaring matutong manahi, magluto, magpinta at iba pang kasanayan, sa pamamagitan ng panonood sa you tube o sa television. Pwede ring ituloy ang Zumba habang pinapanood ang video ng inyong mga Zumba instructor. Ang mga kalalakihan ay maaaring magbasa ng mga librong nagtuturo ng special skills, mag-aral ng simpleng karpinterya at matutong magkumpuni din.
At dahil hindi rin makakatungo sa mga simbahan at church services ng kani -kanilang religious groups, pwede na rin ang online counselling at praying together. Maging ang mga organisasyong di nakakapagpulong ay may group video call din kaya nakakapagpatuloy sa kanilang mga pagpaplano at diskusyon. Mayroon ding mga web seminar para sa mga negosyong networking and direct selling.
Marami pang mga produktibong gawain na makakatulong sa atin upang di mainip sa loob ng bahay. Kaya di totoo ang sinasabi ng iba, “Wala akong magawa sa loob ng bahay, nakakainip.” Nasa atin ang susi kung paano magiging positibo at produktibo kahit naka-istambay. ni: Dittz Centeno-De Jesus