Kasabay ng komemorasyon ng ika-126 taong kamatayan ni GAT JOSE RIZAL na ginanap sa Philippine Consulate sa Milan, ipinakilala nitong ika-29 ng Disyembre, 2022, sa mga representante ng komunidad ng mga Pilipino sa Northern Italy ang bagong talagang Consul General na si G. ELMER G. CATO, tubong Angeles, Pampanga, dating mamamahayag at overseas worker din. Siya ay may halos 25 taong karanasan na sa Foreign Service ng Republika ng Pilipinas.
Naglingkod siya bilang Foreign Affairs Assistant for Public Diplomacy sa DFA Manila, nagserbisyo din sa Permanenteng Misyon ng Pilipinas sa United Nations sa New York at sa Philippine Embassy sa Washington, D.C., Baghdad at Tripoli. Dati siyang Konsul Heneral ng Pilipinas sa New York bago naitalaga dito sa Milan.
Pinagkalooban din siya ng Gawad Mabini at ng Bronze Cross dahil sa mga ginampanang serbisyo.
Bahagi ng kanyang talumpati ay ang pagkilala sa kabayanihan ni Rizal at kung paano ito nagsilbing inspirasyon sa mga Pilipino upang pagyamanin ang ating sarili, magpakita ng malasakit sa kapwa tao at ialay ang ating pagsisikap para sa ating bayan. Binanggit din niya na huwag kalimutan ang naging pakikibaka ng mga naunang henerasyon upang makamit ang minimithing kalayaan ng bansa.
Ibinalita din niya ang proyektong pagtatayo ng isang bantayog ni Rizal sa Milan, sa tulong na rin ng Knights of Rizal, mga ekspertong teknikal na kabilang dito si Arch. Jayson Ramirez at maging ng Comune ng Milano.
Ang programa ay kinapalooban din ng paghahandog ng bulaklak sa Pambansang Bayani, kasama ang pamunuan ng Knights of Rizal, sina Sir Paul Buonconsejo at Sir Dennis Ilagan at ang Kababaihang Rizalista Modena Chapter. Binigkas din ni Sir Luisito Atienza ng KOR Modena ang sinulat na tula ni Rizal, ang Sa Kabataang Pilipino (salin sa Tagalog ng A La Juventud Filipina).
Ang panghuling pananalita naman ay mula kay Consul Norman Padalhin. Siya’y nagpasalamat sa mga nagsidalo sa pagpapaunlak ng mga ito sa imbitasyon ng Konsulato. Kabilang sa mga ito ay nagmula sa Bologna, Modena, Ravenna, Forli, Ferrara, Piacenza, Padova at sa Milano rin.
Matapos ang programang pinamahalaan ni Cultural Officer Sylvia De Guzman, ay ang oportunidad para sa pagpapakuha ng litrato at ang isang munting salu-salo kung saan ay nagkaroon din ng tsansa na makipag-usap ang mga lider at miyembro ng mga organisasyon ng Northern Italy kay ConGen Cato. (Dittz Centeno-De Jesus)