Hindi magandang biro, buhay ng tao at reputasyon ang nakataya.
Rome, Mayo 16, 2012 – Dumulog at nag-apila kamakailan sa Embahada ng Pilipinas sa Roma ang tunay na may account sa social networking site na Facebook upang linawin ang diumano’y paggamit sa kanyang pangalan at larawan na nagtataglay ng masasamang komento laban sa mga Igorot sa Baguio City. Inggit o selos ang diumanong hinihinalang dahilan ng mga paninira sa kanyang pagkatao.
Bilang risulta, mga batikos at pagbabanta sa buhay ng biktima kung kaya’t sa pamamagitan ng employer ay kumuha ng abugado at nireport sa pulisya ang mga kaganapan.
Kaugnay umano ng mainit na usapin ng pagputol ng mga puno para sa expansion ng isang proyekto sa Baguio City ang dahilan ng paggamit sa isang social networking site ng masasamang komento laban sa isang ofw na nakabase sa Salerno, Italya na si L.Garcia. Laking pagtataka ni Garcia ng makita sa kanyang account name ang mga banta laban sa kanya.
Dapat putulin ang mga puno saBaguio City para magkaroon ng landslide at mamatay ang mga Igorot, ang natagpuang nakasulat ng biktima sa isang profile gamit ang kanyang pangalan.
“Hindi po ako yung taong iyon, may gumamit lang po ng pangalan at picture ko, hindi ko po iyon magagawa, alangan naman pong sirain ko yung sarili ko at yung seguridad ng pamilya ko sa Pilipinas, pumunta po ako sa Embahada ng Pilipinas sa Roma para linawin na hindi ako yun”, ayon sa biktima.
Inilabas na rin sa telebisyon noong nakaraang Abril ang ukol sa isyu at doon nagsimula ang mga batikos sa magiging mga masamang epekto ng expansion project sa Baguio City. Dahil dito ay hindi mapakali at nanganagmba ang biktima para sa kanyang mga mahal sa buhay sa Pilipinas kaya’t nagtungo ng Embahada upang linawin at humingi ng tulong sa kinauukulan.
Nananawagan ang biktima sa mga awtoridad upang malaman kung sino ang may kagagawan ng lahat. Maging ang kasintahan nito ay hinihingi ang pang-unawa ng mga taong naapektuhan hindi lang mga taga- Baguio pati na rin ang mga Igorot at hinihiling na tanggapin at paniwalaan ang kanilang mga paliwanag.
Pinaalalahanan ng Embahada ang lahat na halos maubos ang panahon sa mga social networking site na mag-ingat at siguruhing laging nasa ‘private settings’ ang mahahalagang impormasyon para makaiwas sa hindi magandang idudulot nito.
“ Nananawagan ho kami mula sa Embahada sa sinumang gumawa nito. Buhay ng tao at reputasyon ang nasisira sa hindi magandang biro at umaasa kami na hindi na mangyayari muli ang mga bagay na ito”, ayon kay Atty. Jarie R. Osias, Vice Consul Philippine Embassy sa Rome. (ni: Diego Evangelista)