Sa pamamagitan ng mga tula na nasa bawat bahagi ng libro ay ipinadadama ang mga karanasan sa buhay: kabiguan, kawalang pag-asa, pagbangon at muling pagsisimula.
Ilang Pinoy pa lamang dito sa Italya ang nakapagpalimbag ng kanilang libro na may nilalamang mga tula, kuwento, mga likhang-sining at iba pang uri ng literatura. Isa na rito si Richard Reintar, mula sa Ilocos Sur at naninirahan na sa Prato dito sa Italya. Dumating siya sa Italya noong Pebrero 2005 sa pamamagitan ng petisyon ng kanyang mga magulang at ngayon ay kasama na rin niya ang kanyang labimpitong-gulang na anak na babae, si Shayna.
Siya ay isang domestiko at paminsan-minsan ay nakakapagserbisyo din bilang isang photographer/videographer sa mga programa sa komunidad. Pero hindi napako sa mga gawaing iyon ang kanyang pokus dahil pinangarap niyang magkaroon din ng kakaibang aspeto ang kanyang pananatili sa bansang Italya bilang isang OFW. Nais niyang maibahagi din ang kanyang talento sa pagsusulat ng mga tula, kung kaya naisip niyang magpalimbag ng isang libro kung saan ay lalamanin nito ang kanyang mga likhang tula na isinulat sa wikang Ingles.
Ito na nga ang 4 Seasons of Life’s Reason, kung saan ay nahahati ito sa apat na bahagi: ang Fall (19 tula), Winter (21 tula), Spring (18 tula) at Summer (20 tula). Ipinadama niya sa pamamagitan ng mga tula na nasa bawat bahagi ng libro ang mga naging karanasan niya sa buhay: ang kabiguan, kawalang pag-asa, pagbangon at muling pagsisimula.
Sa ngayon ay may mga kaibigang tumutulong sa kanya upang ito ay mailapit sa masa at tangkilikin ng mga kababayang mahilig din sa pagbasa ng mga tula. Nang sa gayon ay di lamang interes sa literatura ang kanyang maibahagi kundi ang magsilbi ding inspirasyon sa iba.
Ayon sa kanya, maraming angking talento ang mga Pilipino, kinailangan lamang na maglaan ng panahon upang ito ay lalong mapaunlad at tuloy ay maipamalas at maibahagi sa iba. Ang mga pangarap ay mananatili sa pagiging pangarap lamang kung hindi ito pagsisikapan na gawin at makamtan ang tagumpay.
Kanyang pinaghahandaan ngayon ang kasunod ng librong ito, isang koleksiyon pa rin ng mga tula nguni’t may pagsasalin na sa wikang Italyano. At isa pang proyekto kung saan ay ibabahagi naman niya ang kanyang talento sa pagbuo ng isang dokumentaryo.
Payo niya sa mga katulad niyang isang OFW, sundan ang inyong mga pangarap at gawin itong tuntungan upang makamit ang hangad na tagumpay at maging mabuting ehemplo din ng iba. (Dittz Centeno-De Jesus – Photo credits: Romaleth)