Ang aking pagbati ng Maligayang Bagong Taon sa lahat ng mga tagasubaybay ng pahayagang Ako Ay Pilipino! Nais ko ring pasalamatan ang mga mamahayag ng nasabing diyaryo pati na rin ang mga Filipinong sa radyo, sa telebisyon at sa mga panunulat ay nagsisikap na mabigyan tayo ng mga kaalamang kailangan sa ating pamumuhay sa ibang bansa tulad ng mga bagong balita at detalyadong impormasyon. Kayo ay nagsisilbing buklob na pinag-iisa ang kaisipan ng ating komunidad.
Ang nagdaang taong 2011 ay nagtapos kung saan kaming mga Konsehal na migrante ng Roma Capitale ay nagsulong ng isang mosyon at inayunan ng karamihan sa konseho sa pamamagitan ng pagboto noong dec 15 kung saan aming hiniling na ang Roma Capitale ay maging tagapagsulong ng mabilisang ratipikasyon ng ILO- UN Convention no. 189. Ang convention na ito ay magbibigay proteksyon at dangal sa trabahong domestiko o kasambahay.
Sa taong 2012, ay mas higit na marami pang gawain bilang mga konsehal ang aming haharapin. Isa na dito ay ang nalalapit na Europe wide Diaspora na sinisimulan nang paghandaan upang maisakatuparan sa nalalapit na Setyembre ang pagpupulong ng mga pinuno ng mga samahan ng ofws sa buong Europa. Kasabay nito ang unag pagpupulong ng pamunuan ng Global Council na binubuo naman ng mga ofw leaders ng buong mundo.
Kaya muli ang aking taos pusong pagbati sa inyong lahat ng isang Bagong Taong puno ng ligaya, malayo sa karamdaman at tagumpay sa lahat ng inyong mga adhikain!
Ang inyong lingkod,
Romulo Salvador
Consigliere Aggiunto – Asia
Roma Capitale