Isang hindi pangkaraniwang insidente ang nangyari noong biyernes, ikalabing anim ng buwan ng nobyembre 2018 sa Moncalieri, probinsya ng Torino.
Iniulat na isang 38-anyos na baby sitter ang nasunog sa loob mismo ng bahay na kanyang pinagtatarabahuhan habang sinusubukan nitong sindihan ang “camino” o fireplace.
Ayon sa isang kapitbahay, nakarinig umano sya ng malakas na pagsigaw na mula sa loob ng bahay at agad niyang naisip na may hindi magandang nangyayari kung kaya’t agad siyang tumawag ng saklolo. Agad namang rumisoponde ang isang rescue team at kanila ngang natagpuang nasusunog ang nasabing baby sitter at satabi nito ang dalawang batang kanyang inaalagaan na umiiyak at sumisigaw.
Daliang isinugod ang babae sa Centro Traumatologico Ortopedico sa Torino dahil sa matinding paso at lapnos nito sa katawan. Nilagyan ang biktima ng tubo upang mas makahinga ito ng mas maluwag. Walang malay ito hanggang sa ngayon at nasa critical na kundisyon dahil sa malubhang lapnos at paso sa katawan
Ayon sa mga pulis na nagiimbestiga nagsindi marahil ang colf ng camino dahil sa lamig, ngunit sa hindi pa malinaw na dahilan ay bigla umanong bumalik ang apoy papunta sa babae, dahilan upang ito ay magtamo ng matinding pinsala sa kanyang mukha, leeg, mga braso, at mga kamay. Ang pinsala ay nasa sampung porsiyento. Bagamat may mga hinala na ang mga imbestigador sa naging sanhi ng aksidenteng ito ay hindi rin umano nila binabalewala ang iba pang posibilidad at ibang angulo ng sakuna. Nais din nilang malaman kng may responsabilidad din ang mga employers o kaya’y hindi naging maingat ang baby sitter sa isinagawang pagsindi ng fireplace. Ayon sa kanila, maaaring gumamit din ng ibang liquid ang pinay upang mas mapabilis ang pagsindi ng apoy sa camino, o kaya’y barado ang canna fumaria otubo na pinagdadaanan ng usok, mga posibleng dahilan kung bakit biglang bumalik ang bolang apoy na naging sanhi ng malubhang pagkasunog ng babae.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa pangyayari. Dumating din ang mga special agents ng SPRESAL, ang ahensya ng ASL para sa servizio antinfortunistico. Ayon sa kanila, ang aksidente ay nangyari sa pinagtatrabahuhan ng biktima kung kaya’t sila ang nakatalaganag magbukas ng imbestigasyon at iakyat ito sa Procura ng Torino.
Samantala, isinugod din ang dalawang batang alaga ng baby sitter sa ospedale Regina Margherita para sa check-up at sa psychological support service dahil ang mga ito ay under “state of shock” matapos masaksihan ang pangyayari mismong sa harap nila.
Sinasabing isa ito sa hindi pangkaraniwang insidente sa loob ng bahay sa taong ito.
ni Quintin Kentz Cavite Jr.