Shabu, pina-pack sa isang apartment sa Padova. Arestado ang tatlong (3) supplier na Chinese at isang (1) Pinoy na taga Milano.
Padova, Hunyo 1, 2015 – Inilathala kamakailan sa “PadovaOggi” ang ginawang raid ng Padova police sa isang apartment kung saan kinumpiska ang natagpuang 2 etti o 200 gramo ng shabu. Dito ay natagpuan rin ang € 12,300 cash na pinaghihinalaang galing sa pagbebenta ng shabu.
Matapos arestuhin ang isang Pilipino sa Bologna na residente sa Padova noong nakaraang Marso dahil sa pagiging ‘courier’ nito para sa isang grupo ng mga Pinoy ‘pusher’ ay mainit ang pagsubaybay sa mga pinaghihinalaang ‘courier’ ng pinagbabawal na gamot.
Dahil dito, isang 44 anyos na Pilipino, kasama ang tatlong (3) Instik malapit sa istasyon ang nimanmanan ng mga pulis noong nakaraang linggo. At nitong Miyerkules, namataan ulit ng awtoridad ang parehong Pinoy sakay ng isang Fiat Punto sa Via Eremitano, matapos lumabas mula sa isang apartament sa parehong kalsada.
Hininto ng awtoridad makalipas makalayo ng 100 metro ang sasakyan. Kinontrol ang sasakyan at sa loob nito ay natagpuan ang isang navigator at 30 gramo ng shabu. Pinasok rin ng awtoridad ang apartment na pinanggalingan ng Pinoy. Doon ay nakita ang isang 30 anyos na Instik na babae, ang nobyo nito, 28 anyos na Instik rin, at isa pang 40 anyos na lalaking Instik. Lahat ay walang mga trabaho.
Sa loob ng apartment ay 50 gramo ng shabu ang natagpaun sa lamesa ng isang kwarto. Mayroong maliit na timbangan at mga maliliit na cellophane. Malinaw na ang 3 ay nagpa-pack ng shabu. Bukod pa sa 120 gramo na nakita sa isang kwarto ng babae. Bukod dito ay natagpuan rin ng awtoridad ang isang hindi ginagamit na slot machine na nagsisilbing taguan ng halagang 12,300 euros, na pinaghihinalaang nalikom buhat sa pagbebenta ng shabu.