Napili ang Cadorna train station na strategic na lugar sa Milan para sa promosyon ng It’s more fun in the Philippines.
Nagtungo sa Milan kamakailan ang kinatawan ng London based Philippine Department of Tourism representative Angelito Mendoza para muling i-promote ang mga nagagandahang tourist spots ng ating bansang Pilipinas sa ilalim ng temang “It’s more fun in the Philippines”.
Sinabi ni Mendoza na ito na ang ikalawang beses nilang pagpunta sa Milan.
“Actually this is our second station domination here in Milan, first one was in Rome last June of 2017”, ani ng DOT representative.
Sa Cadorna train station nila itinalaga ang DOT booth na ayon pa kay Mendoza ay strategic na lugar, dahil iisa lamang ang direksyon ng mga taong palabas at papasok sa station hindi tulad sa Central Station, aniya ay kalat ang direksyon ng mga tao.
Isa sa nagka-agaw ng antensiyon sa publiko ay ang isang malaking aerial photo ng Banaue Rice terraces na kabilang sa “8 Wonders of the World”. Makikita ito sa pagpasok mo sa Train station ng Cadorna.
Isa ang Banaue Rice Terraces sa pinakamagandang tourist destination sa Pilipinas na matatagpuan sa hilagang bahagi ng bansa.
“It is one of the best tourist destination in the Philippines that Italians does not know about, it is a world heritage site”, tugon ni Mendoza
Dinumog din ng mga italiano ang booth ng DOT at humingi sa kanila ng mga flyers at mga impormasyon tungkol sa bansang Pilipinas.
Dagdag pa ni Mendoza na gusto nilang ipakilala sa mga Italiano ang ilan pang mga kultura at tradisyon ng Northern Philippines.
Sa panayam ng AKO ay Pilipino sa isang Italiano na ayaw ipabanggit ang pangalan na kumuha ng mga flyers ng ipinamimigay ng DOT, ay sinabing plano nilang mag-anak na pumunta sa Pilipinas sa nalalapit na panahon at mas pinili nilang sa seaside ang kanilang puntahan.
Napag-alaman ng DOT London sa “Asian Explorer” sa Milan at base sa kanilang datos ay libu-libong mga Italiano ang bumibisita sa Pilipinas.
“For the month of January to July 2016 compared to January to July 2017 we had an increase of 27.3% of Italian tourists in the Philippines”, kumpirma ni Mendoza.
Hilig ng karamihan sa mga ito ay ang diving kung kayat sa tuwing sila ay nagtu-tour sa ibang bansa ang mga karagatan ang madalas nilang pinupuntahan.
“Number 1 is diving, they go to Cebu, Bohol then Palawan and even Boracay”, ani Mendoza.
Dagdag pa niya, mayroon din pumupunta sa Norte para naman sa mga kultura.
Ngunit sa kabila nito ay ibayong pag-iingat ang bilin sa mga italian tourists na nais pumunta sa mga delikadong lugar sa atin bansa. Ipinapayong alamin din ang mga ligtas na lugar at pairalin ang pagiging mapagmasid at alerto.
“We don’t advise the tourists to go further South of the Philippines”, ani Mendoza.
Sa pagwawakas ay inaayayahan niya ang mga kababayan natin sa Milan at buong Italya na hikayatin ang kanilang mga kaibigang italyano na dalawin ang bansang Pilipinas upang masaksihan din nila ang mga naggagandahang tanawin ng atin bansa.
“It’s more fun in the Philippines”
ni Chet de Valencia