Inilunsad ang Rehabilitaion project ng Ita-Fil Care. Sa pamamagitan ng mga pledges ay inaasahan na makakalikom ng sapat na halaga sa pagpapatayo ng mga di pangkaraniwang silid-paaralan.
Rome, Pebrero 18, 2014 – Opisyal na inilunsad noong nakaraang Pebrero 9 ng Ita-Fil Care (Italo-Filipino Concerted Action for Relief, Rescue and Rehabilitation) ang ikalawang proyekto nito, ang Rehabilitation Project . Bagaman tila bagyo ang naging buhos ng ulan, hindi ito naging hadlang sa mga dumalo, naging bahagi ng programa at nangako ng patuloy na pagtulong sa mga biktima ng lindol sa Bohol at bagyong Yolanda.
Layunin ng Ita-Fil Care sa ikalawang proyekto nito ang ibalik ang kinabukasan ng mga kabataan sa pamamagitan ng muling pagtatayo ng di pangkaraniwang silid-paaralan sa Bohol at Samar na matibay at may kakayahang salagin ang hangin na may bilis na 285 kilometro bawat oras at lindol na may lakas na 7.8 sa Richter scale.
Naging panauhin si Sis. Lumen Gloria, Vicaress General ng Benedictine Sisters. Personal nyang inihatid ang pasasalamat sa mabilis na pagtugon ng Ita-Fil Care sa pamamagitan ng unang proyekto nito, ang Immediate Relief kung saan inampon ang Divine Word Hospital sa Tacloban. Ang halagang €12,515.36 ay nakatugon sa pagbili ng OMNIBUS LAB EQUIPMENT at mga pangunahing gamot na kinailangan ng nasabing ospital.
Mahalaga ang naging bahagi ng ikalawang henerasyon. Ipinamalas ng mga kabataan ang kanilang talento na nagbigay kulay sa pagdiriwang tulad ng 5 Days ago, Krewayz, Vyrus, Mvaj, Pinoy Teens, Acoustic 5, Loved Flock youth group, Maricel Calimlim, Malouh Perez, Claudine Bergantinos, Gabriel Sarmiento, Melisse & Boyet Abucay.
Bukod dito ay nakita rin ang kanilang kamulatan sa pangangailangan ng partners ng proyekto. Si Alessandra Yu, ay isa sa ilan. Pinangunahan ng dalagita ang fundraising sa kanilang paaralan, Marymount International school, kung saan positibong tumugon ang mga magulang at mga estudyante upang malikom ang mahigit na 2,000 euros ng donasyon. Si Allen Magsino naman, kasama ang kapatid at mga pinsan, sa pamamagitan ng caroling nitong nakalipas na kapaskuhan ay nakalikom ng 150.60 euros para sa proyekto ng Ita-Fil Care.
Naging panauhin din ang sikat na Italian singer, writer at actor na si Manolo Cristian Abbondati at nagpahayag na magiging bahagi ng proyekto.
Marami ring mga asosasyon, grupo at mga komunidad ang naging partners ng Ita-Fil care. Isa na rito ang San Silvestro Community, na nagkaloob ng 800 euros mula sa donasyong sa presepe na nilikha ni Armand Noma, ang Director ng programa ng Pebrero 9.
Sa kasalukuyan, bukod sa Municipio XV, ay nagpahiwatig din ng pagsuporta bilang institusyon ang Municipio IX sa pamamagitan ni Assessore Domenico Durastante. Bahagi ng proyekto ang pakikiisa ng libo-libong estudyante sa mga paaralan sa kanilang Munisipyo.
Sa pamamagitan ng mga pledge form na ipinamahagi sa paglulunsad ng proyekto ay inaasahan ang pagkakaroon ng maraming mga partners at mga donors hanggang sa ika-15 ng Mayo. Sa pagwawakas ng pagdiriwang ay masayang ipinahayag ni Monsignor Bitoon, ang Ama ng Ita-Fil Care, “Sa likod ng di magandang panahon ay mahigit na 5,500 euros ng pledge at cash ang ating nalikom ngayong araw ng ito”. (PG)
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]