Dahil sa banta ng bagong Covid19 variant na Omicron ay agarang nagpapatupad ang Inter-Agency Task Force o IATF ng Pilipinas ng travel ban sa ilang bansa.
Ang Italya, kasama ang iba pang mga bansa sa Europa tulad ng Austria, Czech Republic, Hungary, Netherlands, Switzerland at Belgium, ay inilagay sa red list ng Pilipinas. Ito ay bilang karagdagan sa mga unang bansang sumailalim sa entry restriction (South Africa, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini at Mozambique).
Ito ay nangangahulugan na ang lahat ng mga internasyunal na pasahero, tulad ng mga Pilipinong manggagaling mula sa Italya (at mga bansang nasa red list), bakunado man kontra Covid19 o hindi, simula November 28 hanggang December 15, ay hindi pahihintulutan na makapasok sa bansang Pilipinas.
Gayunpaman, nilinaw ng gobyerno na ang mga pasahero na nasa transit na at ang mga pasahero na nanatili o nagpunta sa mga red listed countries sa loob ng 14 na araw bago ang pagdating sa Pilipinas, na dadating bago ang 12:01 a.m. ng Nobyembre 30 ay hindi sasailalim sa entry restriction. Ngunit kailangan nilang sumailalim sa facility-based quarantine sa loob ng 14 na araw at sumailalim sa Covid test sa ika-7 araw.
“Ang lahat ng mga pasahero, Pilipino man o dayuhan, na dumadaan lamang sa mga red list na bansa ay hindi ituturing na nanggaling o nakarating sa nasabing bansa kung sila ay nananatili sa airport sa buong panahon at hindi pinayagan na makapask sa naturang bansa ng mga immigration authorities nito”, ayon sa Abiso ng Philippine Consulate General sa Milan na ipinalabas ngayong araw, Nov 28.
Ang mga apektado ng entry restrictions ay pinapayuhan na makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga airlines para sa mga hakbang na kanilang dapat gawin.
Ang Pilipinas sa kasalukuyang nakakaranas ng pagbaba sa bilang ng mga kaso ng Covid-19 araw-araw. Mayroon lamang 839 na bagong kaso ng Covid na naitala nitong araw ng Linggo, ang pinakamababang naitala sa loob ng 11 buwan. (PGA)
Basahin din:
- Bagong Covid-19 variant, natuklasan sa South Africa. Italya, nagpatupad ng travel ban sa 8 bansa.
- Bagong Covid-19 variant, natuklasan sa South Africa. Italya, nagpatupad ng travel ban sa 8 bansa.