Nasawi noong gabi ng Disyembre 30 ang 25-anyos na si Ivanah Crystal Briones dahil sa sunog sa isang apartment sa Torino. Ayon sa mga unang ulat, nasawi ang dalaga habang sinusubukang iligtas ang iba pang tao.
Kasama niya sa apartment sa Corso Vittorio Emanuele 98 ang kanyang mga magulang, na mga caretaker ng gusali. Nakaligtas ang kanyang mga magulang sa pamamagitan ng pagtalon mula sa balkonahe ng unang palapag. Ngunit hindi sumunod si Ivanah sa kanila. Sa halip, bumaba siya sa ground floor upang kunin ang fire extinguisher, marahil upang subukang apulahin ang apoy bago ito tuluyang kumalat sa buong apartment at sa iba pang mga bahay.
Ang kabayanihan ni Ivanah ay kinumpirma ng kanyang kaibigang si Patrick, ayon sa ulat ng Fanpage.
“Puwede sana siyang tumakas sa balkonahe ng unang palapag at tumalon, tulad ng ginawa ng kanyang mga magulang na nakaligtas. Pero pinili niyang bumaba sa ground floor sa gitna ng apoy para kunin ang fire extinguisher. Gusto niyang iligtas ang lahat—hindi lang ang kanyang mga magulang kundi pati ang mga residente sa buong gusali. Natagpuan siya ng mga bumbero na nakahandusay sa harap ng pintuan.”
Sa kasamaang palad, huli na ang lahat nang dumating ang mga rescuer at sinubukan siyang i-revive. Ang kanyang kabayanihan ang naging sanhi ng kanyang kamatayan. Si Ivanah ay nasawi dahil sa pagkalanghap ng makapal na usok. Ang kanyang mga magulang naman ay nagtamo lamang ng minor injuries at paso.
Samantala, nagbukas na ng imbestigasyon ang prosekusyon sa Torino kaugnay ng sunog na naging sanhi ng pagkamatay ng dalaga. Patuloy pa ring iniimbestigahan ang sanhi ng insidente. Ang pinakamatibay na hinala ay dulot ito ng short circuit o problema sa chimney system.