in

Jeyzel Ann Reyes, itinanghal na Miss Un Volto per Fotomodella

Hindi maikakaila ang galing ng mga dalagang pilipina pagdating sa paligsahan ng pagandahan at talas ng pag-iisip o mas kilala ng karamihan sa tawag na pageant. Ang bagay na ito ay ilang beses nang napatunayan ng  ilang mga ipinagmamalaking mga beauty queen. Sinimulan ito ni Gloria Diaz noong taong 1969 nang siya ay magwagi sa unang pagkakataon bilang Miss Universe mula sa Perlas ng Silangan. Makalipas ang apat na taon, agad  itong sinundan ni Margie Moran bilang Miss Universe 1973.  

Ang mga taong ito ang nagbigay hudyat sa mga dalagang pilipina na kayang kayang makipagsabayan ng Pilipinas sa buong mundo sa larangan ng pagandahan.

Sa Italya, kumakailan lamang ay isa na namang pinay beauty ang nag-uwi ng korona. Itinanghal na Miss Un volto per Fotomodella ang 17-anyos na si Jeyzel Ann Reyes matapos makipagtagisan ng galing sa pagmomodel kasama ang 37 pang mga kalahok na ibang lahi mula sa iba’t-ibang panig ng Italya. 

Ang nasabing beauty pageant na umabot na sa ika-36 na edisyon ay ginanap noong ika-12 ng setyembre 2020 sa Hotel Fiuggi Terme Resort  e Spa sa Fiuggi. Ang mga kalahok ay nagtagisan ng hubog ng katawan, talino,  at  galing sa modelling sa kategoriya ng elegant dress, casual, at swimsuit na isinagawa sa may swimming pool ng nasabing thermal resort. Bagamat nagbadya ng hindi magandang panahon ang weather forecast, naidaos naman ng maayos ang grand finals ng patimpalak na binigyang sigla ng dalawang magagaling na emcees na sina  Marcia Sedoc at Pino Moro mula sa simula hanggang sa grand coronation ng nagwagi.

Nakangiting isinalin  ng 2019 winner na si Alice Fedi mula Ascoli ang korona sa bagong hirang na Miss Un Volto x Fotomodella.  Ang tagumpay na ito ay hindi isang bagay na nakamit ni Jeyzel sa isang iglap lamang. Ito ay bunga ng mahabang panahong pagsisikap at pagpupursige, kasama ang kanyang mga supporters  tulad ni Miss Beverly Fernandez na naghikayat sa kanya na sumali at mga magulang na sina  Henry Reyes at Josie Basco. Ilang ding contests ang sinalihan ni Jeyzel na nagbigay sa kanya ng mga inputs at humubog sa kanyang career tulad ng Miss Asia Pacific International noong  2018 na ginanap sa Bologna at  Miss Senegalla 2018. Ang mga karanasang ito ang kanyang naging baon at inspirasyon na naging puhunan niya upang maging angat  sa nakararami.

Sa ngayon ay nais munang magfocus sa kanyang pag-aaral si Jeyzel dahil hindi madaling pagsabayin ang pag-aaral at pageant kahit na ang huli ay ginagawa tuwing weekends lamang. Isang taon pa ay matatapos na niya ang kursong turismo. Malaki umano ang posibilidad na sa susunod na taon ay sumali ang beauty queen sa Miss Italia. 

Si Jeyzel ay isa sa mga pilipinong iwinawagayway ang watawat ng Pilipinas bilang pagpapakita na ang ating lahing kayumanggi ay kayang taas noong makipagtagisan ng ganda at talino bilang hamon sa sarili at alang-alang sa bayan.  Ang kanyang payo sa mga kabataang may pangarap sa pageant na tulad nya? Abutin ang personal na pangarap, huwag lilihis ng tingin at ipagpatuloy ang magandang nasimulan hanggang sa tuluyang makamit ang minimithi. Isang bagay ang sigurado: malayo ang mararating ni Jeyzel at ang bagong titolong  Miss Un Volto per Fotomodella 2020 ay magbubukas ng maraming pinto para sa mas matagumpay na kinabukasan. (Quintin Kentz Cavite Jr.) 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Bagong Antas o Lebel sa Domestic job, batay sa bagong CCNL

Ako Ay Pilipino

Regularization: Pagtatapos ng employment, ano ang dapat gawin?