“Ganyan talaga siya ka-espesyal, mataas ang kanyang standard, kaya masaya ako na nandito siya sa scuola di Amici para ipakita ang disiplinang ito sa pinakamagaling na paraan. Tunay na mahusay siya sa genre na ito, sa style, sa hip-hop”. Ganito inilarawan ni Veronica Peparini si John Erik Dela Cruz, isang Fil-Italian, 25 anyos, at kasalukuyang isa sa mga sinusubaybayan sa talent show na Amici di Maria De Filippi sa Italya.
Si John Erik ay nakapasok sa scuola di Amici noong February 2022. Siya ay pinili ni Veronica Peparini, isa sa mga instructors ng scuola, matapos ang isang sfida o hamon sa afternoon show. Ang pagkapanalo sa sfida ang naging daan sa pagkakaroon ni John Erik ng shirt para sa evening show.
Sa unang episode pa lamang ng evening show ay nakatanggap na si John Erik ng paghanga mula sa mga judges. Ayon kay Emanuele Filiberto sa kanyang performance “Ikaw ay isang napakahusay na mananayaw at masaya akong nakapasok sa iyong mundo ngayon at samakatuwid ang boto ako para sa iyo“. Samantala, si John ay ganap na master ng eksena, para kay Stefano De Martino, isa ring judge. Aniya napaka komportable ni John sa istilong ito at ito ay makikita sa kanyang bawat galaw. Pagkatapos ay sinabing mas nangibabaw ang performace ni John Erik kaysa kay Calma, ang kanyang katunggali sa sfida.
Sa kabila ng mga magagandang salitang binanggit ng mga judges, sa katunayan, si John Erik ay huli na nang nagsimula sa pagsasayaw kumpara sa iba pang mga contestants ng talent show. Nagsimula siyang sumayaw sa edad na 17-18. Isa siyang self-taught dancer, sa pamamagitan ng panonood ng mga video tutorial sa Youtube. At nang mapagtanto niya na ang pagsasayaw ay ibang paraan ng pagpapahayag ng sarili bukod sa salita, nagsimula siyang mag-aral nito sa isang akademya ng tatlong taon.
Sa ilang pagkakataon sa afternoon show ng Amici ay nakuha ni John Erik ang pagmamahal ng mga viewers dahil sa kanyang ipinakitang pagpapahalaga sa pamilya. Ang kanyang pagluha habang tinitingnan ang larawan ng pamilya at ang kanyang pagkukulong sa kwarto matapos mapag-usapan ang paghihiwalay ng kanyang mga magulang. Sa katunayan, ang kanyang tattoo na bungo ay naglalarawan ng hiwalayan.
Samantala, inamin din ni John Erik na sa unang pagkakataon ay kanyang naramdaman ang pagiging malaya sa pagpasok sa scuola ng Amici. “Sa unang pagkakataon ay ginagawa ko ang aking gustong gawin, at sinasabi ko ang aking iniisip at hindi ng ibang tao“. Bukod sa pagiging mahusay na performer, isa rin siyang choreographer. Sa katunayan, upang ipahayag ang kanyang sarili ay nagbubuo siya ng mga koreograpia. Dahil sa kanyang kababaang loob, pagkamalikhain at likas na talento si John Erik ay naglibot sa Italya bilang isang instructor sa iba’t ibang mga dance schools.
Kamakailan ay naging bahagi rin siya ng musical video ng Apri tutte le porte ni Gianni Morandi, ang kilalang Italian singer na nanalo ng third place sa huling Sanremo festival.
Para malaman kung ano ang naghihintay kay John Erik sa scuola di Amici, subaybayan ang afternoon at evening show.
Ang Amici ay isang Italian talent show ni Maria de Filippi na nagsimula noong Setyembre 17, 2001. Ito ay tila isang tunay na school of song and dance, kung saan ang mga estudyante ay pinipili ng mga instructors sa pamamagitan ng audition. Sila ay nag-aaral upang higit na mapagbuti ang kanilang talent at maipakita ito sa buong Italya.
Sa papalapit na pagtatapos ng talent show ay nababawasan ang mga estudyante dahil bukod sa pagiging scuola ay mayroon din itong kumpetisyon o sfida.
Ang evening show ay ang huling bahagi ng scuola at mayroong 9 na episodes kung saan ang mga estudyante, nahahati sa 3 grupo ay maglalaban-laban. Sa bawat episode ay nai-eliminate ang dalawang contestants hanggang sa may matirang isa bilang winner ng programa sa pamamagitan ng boto ng mga viewers sa kani-kanilang tahanan. (Aby Magsino – ph: FB Amici di Maria De Filippi)