Paano ba ang magsulat ng artikulo na tunay na makapagbibigay ng sapat na impormasyon at makapagbahagi din ng inspirasyon sa mga makakabasa?
Ito ang naging pokus ng Journalism Seminar na idinaos sa Palazzo Castri sa Firenze noong ika-22 ng Setyembre, 2018.
Sa inisyatiba ng OFW Watch Italy at Tuscany Chapter, dumalo ang mga dating mamamahayag sa Pilipinas na karamihan ay mga editor ng mga publikasyon ng mga mag-aaral sa kolehiyo at miyembro din ng College Editors Guild of the Philippines, ang ilan naman ngayon ay mga contributor at correspondent ng news website at diyaryong Ako ay Pilipino, mga manunulat din ng pahayagan sa Toscana, news reporter ng UNTV dito sa Italya at iba pang may talento at hilig sa literatura.
Ang naging bisitang tagapagsalita ay si Don Kevin Hapal, isang digital communications specialist ng RAPPLER, ang malawak na news and feature website na naka-base sa Pilipinas.
Unang tinalakay sa seminar ay ang naging simulain ng RAPPLER noong taong 2011, na kilala bilang move.ph at mula dito ay isinilang noong taong 2012 ang Rappler website. Naging pangunahing hangarin nito ang propesyonal na pamamahayag na may malaking bahagdan ng makabagong teknolohiya at pakikibahagi din ng masa.
Ayon kay KEVIN HAPAL, ang pamamahayag ay dapat na nakakapaglahad ng tama, sapat at malinaw na impormasyon na bunga ng matalas na pag-aanalisa at malawak na pagsasaliksik . Gayunpaman, ay makapagdudulot din ng sundot sa damdamin kaya nakakapagtulak sa makakabasa na gawin itong inspirasyon upang makagawa ng positibong aksiyon.
Ang pamamahayag ay di rin dapat gamitin sa pananakot, maging sa pagpapalaganap ng galit at hinanakit, bagkus ay maging responsible ang manunulat sa bawat kataga niyang gagamitin dahil malaki ang nagiging impluwensiya nito sa mambabasa.
Sa pagtatapos ng seminar, nahilingang magbahagi ng ilan sa dumalo ng kanilang komento o saloobin ukol sa naganap na gawain. Ayon nga sa isang dumalo, nagkaroon daw siya ng malinaw na pagkilala sa misyon ng RAPPLER bilang isa sa pangunahing media sa Pilipinas. Ang isa naman ay nagsabi na hindi dapat tumitigil sa pag-aaral, magsaliksik at magsanay pa rin. Kaya nga mahalaga ang mga katulad na seminar na ito para mas mahasa pa ang nakagisnan noong kasanayan dahil ang esensiya ng pagsusulat ay gayon pa rin naman pero dapat nakikipagsabayan na sa pagbabago sa teknolohiya.
Sa katunayan, ang OFW Watch Italy, orginizer ng seminar ay may OFW WATCH News and Stories at Tayo ang OFW – Facebook page, na kinapapalooban ng mga miyembro nitong may kakayahan at hilig sa pagsusulat ng mga balita, kuwento at mga sanaysay, Ito ay isang paraan na rin para matuklasan ang mga nakatagong talento ng mga OFW at gawin na ring isang tulay ng komunikasyon para sa mga mahahalagang impormasyon .
Dittz Centeno-De Jesus