Roma, Oktubre 3, 2013 – Isang matagumpay na forum laban sa katiwalian at pork barrel ang idinaos nitong ika-29 ng Setyembre 2013 sa tanggapan ng Umangat-Migrante sa Via Giolitti 231, Roma. Naging panauhin at pangunahing tagapagsalita si dating Bayan Muna Cong. Satur Ocampo at kasalukuyang presidente ng Coalition Makabayan, na kung saan ay pinaunlakan ito ng mahigit sa 50 mga lider mula sa ibat-ibang komunidad at organisasyon ng mga OFWs sa Roma at mga kinatawan ng international solidarity networks.
Ang nasabing forum ay ini-organisa ng UMANGAT-MIGRANTE sa pakikipagtulungan ng Migrante Europe at Makabayan Coalition na naglalayon na maibahagi at maipaliwanag sa mga OFWs ang mga maiinit at kontrobesyal na usapin hinggil sa corruption at pork barrel system.
Dumalo sa nasabing forum ang mga lider buhat sa Umangat-Migrante, Task Force OFWs, Patriotic Order of the Supremo Andres Bonifacio, KAMPI, mga komunidad ng Gran Madre di Dio, Euclide Kaibigan, Sta Croce at Mabini Home Town Association. Dumalo din sina consiglieri Romulo Salvador, Demetrio Rafanan at Pia Gonzalez at dating consigliere Irma Tobias. Nakiisa rin ang mga kinatawan mula sa malaking alyansa ng mga migrante – Comitato Immigrati in Italia, International Migrants Alliance (IMA) Europe at mga kinatawan ng Democratic Lawyers of Italy. Naghandog din ng mga makabayang awitin si Mr. Jojo Villanueva ng Filipino Musician Guild in Italy (FILMAG).
Ayon sa pahayag ni Ka Satur, ang bulok na sistemang pork barrel ay kinopya ng estadong Pilipino buhat sa mga Amerikano. Dagdag pa niya, ang pork barrel, mula pa noong maitatag ang Republika ng Pilipinas ay naging instrumento na ng mga ganid na politiko at rehimen upang itaguyod ang “patronage politics” upang makapanatili sa poder ang mga naghaharing-uri sa ating bayan at maprotektahan ang kanilang mga interes at ng mga dayuhan Amerikano. Nagagamit nila ang pondong ito sa pamamagitan ng paglikha ng mga huwad na NGOs at programang panlipunan. Ang pork barrel ang isa sa pinakamalaking ugat ng katiwalian sa ating bayan.
Ayon kay Ka Satur, mula pa noong 2001 sa pamumuno ng Bayan Muna ipinanawagan na ang pag-abolish sa pork barrel at maging sa kasalukuyan ang Makabayan koalisyon ay patuloy na nanawagan na sa halip na idadaan sa kamay ng mga politiko ang pondo para sa mga programang pangkalusugan, pabahay, edukasyon, trabaho, agrikultura, atbp. nararapat na ibigay itong direkta sa mga iba’t ibang ahensya ng gobyerno at magkaroon ng isang matibay na sistema ng monitoring at accounting.
Mula sa mga pahayag na ito, nagkaroon ng isang malayang talakayan, pagtatanong at palitan ng kuro-kuro mula sa mga nagsipagdalo.
Sa pagtatapos ng programa mariing nanawagan si Ka Satur na bumuo tayo ng isang koalisyon ng anti-pork barrel system dito sa Roma at sa buong Italya. Ayon kay Ka Satur, hindi sapat na hayaan lang natin ang mga mambabatas na maglilitis sa mga kawatan sa kabang-yaman ng Pilipinas, dapat ang sambayan, tayo ay aktibong makilahok sa iisang panawagan na: END CORRUPTIONS IN THE PHILIPPINES!ABOLISH THE PORK BARREL SYSTEM NOW! (UMANGAT-MIGRANTE)