Naging inspirasyon na ng mga samahang Pilipino ang mga kapwa organisasyon sa pagsusulong ng isang adbokasiya na pagtulong sa mga kababayan sa gitna ng krisis COVID19. Bagama’t pare-parehong nakadaranas ng hirap ay nakakapaglaan pa rin ng para sa kapwa na higit na nangangailangan.
Ang FILIPINO WOMEN’S ASSOCIATION NG BIELLA o FWAB sa Piemonte, ay isang halimbawa ng mga organisasyon na gumawa ng paraan upang makapag-abot ng mga groseriya sa kanilang lugar. Pawang mga kababaihan pero may sariling kakayahan upang maisagawa ito sa gitna ng restriksiyong dulot ng lockdown. Naging benepisyaryo nila ang mga nawalan o pinatigil sa kanilang trabaho , mga pamilyang may mga bata at iba pang apektado ng krisis.
Sa pamumuno ng butihing pangulo na si TERESITA DELA CRUZ at masisipag na mga katuwang na sina pangalawang pangulo PRINCESITA VALENCIA at MELY GALLO, kumuha sila ng akreditasyon sa Protezione Civile para makapamili at malayang makapamahagi sa kanilang mga kababayan doon sa Biella. Malaking pasasalamat ang ipinaaabot nila kina Gng. Ma. Alegria Eltanal, Gng. Liezl Morcozo at sa iba pang sumuporta sa kanilang fund raising drive at ang nalikom ang siyang nagamit na pambili sa mga groseriya.
Patuloy din ang FWAB sa pagtulong na maihanap ng mga trabaho ang mga nawalan nito at maging tulay pa rin ng mga komunikasyon lalo na sa panahong ito na kailangang maiparating ang mga tamang impormasyon. Aktibo din itong miyembro ng OFW WATCH ITALY at nakapaloob din sa TASK FORCE COVID 19 na nagmomonitor sa kalagayan ng mga kababayan.
Ang kanilang gawaing makapagserbisyo ay isang inspirasyon na rin para sa lahat. Pahayag ng kanilang pangulo na si Teresita, ipagpatuloy ang pananalangin upang magkaroon na ng solusyon sa pandemikong ito at nang matapos na ang krisis. (Dittz Centeno-De Jesus)