Ginanap ang pagdiriwang ng ika-114 Araw ng Kalayaan ng Pilipnas sa Plaza Ankara, Rome noong nakaraang linggo. Dinaluhan ito ng halos limang libong mga Filipino na nagbuhat pa sa iba’t ibang bahagi ng Italya.
Rome, Hunyo 12, 2012 – “Kalayaan 2012: Pananagutan ng Bayan para sa Tuwid na Daan”, ito ang tema sa naging pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan noong linggo, ika- 10 ng Hunyo, (o ang ikalawang araw ng linggo taun-taon tulad ng nasasaad sa deliberasyon ng Municipio Roma II). Tulad ng inaasahan, dinaluhan ito ng halos limang libong Filipino buhat sa Rome at kalapit bayan nito, gayun din buhat sa Firenze, Latina, Salerno at Cosenza Calabria.
Sinimulan ang pagdiriwang sa unang bahagi nito, sa pamamagitan ng ating Pambansang Awit, ang ‘Lupang Hinirang’ at ng Pambansang Awit ng bansang Italya, ang ‘Fratelli d’Italia’, bilang tanda ng pagmamahal at paggalang sa dalawang bansa. Bahagi ang mga pambungad na pananalita buhat sa Pangulo ng Pilipinas, H.E. Benigno S. Aquino III sa pamamagitan ni Consul General Grace Cruz Fabella, ang mensahe ng ating Kagalang galang na H.E. Ambassador Virgilio A. Reyes, Jr, si Hon. Claudia Maria Matrapasqua buhat sa Municipio II at ang panauhing pandangal na si Hon. Vincenzo Scotti, dating Ministro ng Interior, Beni Culturale at Foreign Affairs.
“Isang pagbati at pasasalamat sa Filipino Community ang aking ipinaaabot, sa inyong lahat na putuloy na nagiging bahagi ng aming storya, ng aming kultura at ng aming komunidad at dahil dito ay malaki rin ang inyong naitutulong sa ekonomiya at progreso ng bansang Italya”, ang mensahe ni Scotti na nagpakita ng pagtitiwala sa Filipino community na sinalubong at pinasalamatan naman ng masigabong palakpakan ng mga dumalo sa pagdiriwang.
Mabilis ang naging takbo ng cultural programme sa pangunguna ng direktor na si Arman Noma, kasama ang CSP (Center Stage Production) sa pakikipagtulungan ng mga naging emcees na sina Jaiane Morales, Laurence Mendoza, John Tansinsin at Pia Gonzalez. Mga kahanga-hangang makabayang sayaw at awitin ang ipinamalas. Nakapukaw ng pansin ang pag-akyat sa entablado ng Italyanong si Tonino Galasso, suot ang barong tagalong at umawit ng tagalong song. Sya rin ang hinirang na Outstanding Italian Citizen sa ginanap na contest ng PIDA (Philippine Independence Day Celebration).
Nangunguna naman sa kinaugaliang mahalagang bahagi ng pagdiriwang, ang parada, ang Drum and Lyre buhat sa Verbo Divino Filipino Community. Sinundan ng ‘Evolution of Philippine Flag’, ng Embahada ng Pilipinas sa Italya at sa Holy See, ang mga Filipino Councilors sa Rome, ang mga local business sectors, mga organisasyon at asosasyon at mga Filipino Communities sa loob at labas ng Rome.
Sinundan ito ng pinakahihintay na Street Dancing Competition. Lumahok at nagwagi sa naging patimplak ang Krewayz – third place, PPCR (Pinoy Photogrhers Club in Rome) – second place at ang AFCC (Apostles Filipino Catholic Community) nakakuha ng first place.
Samantala, ang taun-taong pa-raffle na round trip ticket Rome-Manila-Rome ay pinapangarap ng maraming Pinoy na mapanalunan. Pitong round trip tickets ang pina-raffle ngayong taon sa tulong ng Jeepney, Filmondo at City travel mula Cathay Pacific, Singapore Airlines, Qatar Airways, Kuwait Airlines, Saudia Airlines at Thai Airways. Isang trip to Paris for 2 naman ang buhat sa Philcargo Travel.
Bago tuluyang magtapos ang programa ay inanunsyo naman ang nagwagi sa ginanap na booth competition. Tila nahirapan ang mga hurado sa pagpili ng best booth dahil makikitang tunay na magagaling at partikular ang mga tema. Ang AFCC ang nagwagi ng best booth.
At sempre di maaaring matapos ang pagdiriwang ng walang kapiling na famous personality buhat sa Pilipinas. Salamat sa OSN – Orbit Showtime Network – ngayong taon ay nakapiling upang maghatid saya ang Eat Bulaga Dabarkads Allan K, phenomenal diva Jessa Zaragoza at funnyman na si Alex Calleja.
Sa mga komite at mga miyembro na bumubuo ng PIDA na pinangungunahan ni Charisma Coros-Pineda, sa lahat ng mga sponsors tulad ng Comune di Roma, Western Union, Money Gram at Lbc at iba pa, sa lahat ng sumuporta at dumalo sa pagdiriwang, hanggang sa susunod na taon at Maligayang Araw ng Kalayaan po sa ating lahat. (larawan ni: Boyet Abucay)