Naging matagumpay ang kauna-unahang pang-rehiyong pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan noong ika-17 ng Hunyo, 2018, sa Emilia Romagna, na ginanap sa Bocciodromo Tricolore sa via Vasco Agosti 6 sa probinsiya ng Reggio Nell’ Emilia, Italya. Sinimulan ito sa pamamagitan ng isang parada ng lahat ng mga kasapi at mga panauhin , suot ang mga katutubong pananamit at may mga dalang mga munting bandilang Pilipino at mga banner ng kani-kanilang organisasyon.
Ang makulay at masayang pagdiriwang ay pinangunahan ng mga kasaping organisasyon ng ERAFILCOM (Emilia Romagna Alliance of Filipino Communities), sa pamamahala ng organisasyong BAHAGHARI A.S.D. sa Reggio Emilia, sa pamumuno nila Daisy Del Valle, Neil Layco at mga kasamang opisyal .
Dinala ang temang “Pagbabagong Ipinaglaban, Alay sa Masaganang Kinabukasan”, tunay na pinaghandaan ng mga organisasyong kasapi ng ERAFILCOM ang kanilang mga presentasyon. Mula sa doksolohiya ng grupong Jesus is Lord Fellowship, mga katutubong sayaw na ipinamalas ng Bahaghari Dancers ng Reggio Emilia , Mabuhay Italo-Filippina Associazione ng Ravenna, Filipino Association of Ferrara, Communita Filipino de San Pellegrino sa Forli at Filipino Community Romagna Chapter ng Rimini. May mga awit-interpretasyon din mula sa Federation of Filipino Associations of Modena(FEDAFILMO) at Federation of Filipino Associations of Bologna (FEDFAB) katuwang ang Alyansa ng Lahing Bulakenyo (ALAB)) at Filipino Women’s League(FWL) at mula uli sa Jesus is Lord Fellowship. Tampok din ang Sinulog presentation mula sa Visayas-Mindanao Bologna and Friends na kasama ng Filipino Christian Community of Bologna, makabayang awitin mula sa Bahaghari , ang Balagtasan ng mga opisyal ng ERAFILCOM na may temang “ Istilo sa Pag-ibig: Dalagang Makaluma laban sa Dalagang Moderna, at mga sorpresang bilang mula sa Mabini Hometown Association of Modena, Anak ti Amianan, Kapaelle, Samahan ng Kababaihan sa Parma at iba pa.
Bago ang mga presentasyon, ay naghandog muna ng isang panalangin at mensahe na rin para sa mga kababayan si FR. ADONIS BONGO, nagkaroon din ng pag-aalay ng koronang bulaklak sa busto ng pambansang bayani na si GAT JOSE RIZAL para sa kanyang kaarawan ng ika-19 ng Hunyo, sa pangunguna ng Knights of Rizal at mga Kababaihang Rizalista, kasama ang mga opisyal ng ERAFILCOM at iba pang panauhin. Naging madamdamin naman ang pambungad na pananalita ng pangulo ng Bahaghari na si DAISY DEL VALLE at nagpahayag na isang malaking responsibilidad ang naiatang sa kanilang grupo upang maisakatuparan ang unang proyekto ng ERAFILCOM, ang makapaglunsad ng pang-rehiyong selebrasyon ng araw ng Kalayaan. At umaasa siyang mapagpapatuloy pa ito taon-taon sa sama-samang pagtutulungan at pagkakaisa.
Ang pagdiriwang ay siyang naging daan din upang makapanumpa sa panunungkulan ang mga nahalal na opisyal ng ERAFILCOM, sa harap ng panauhing pandangal na si CONSUL MANUEL MERSOLE MELLEJOR ng Philippine Consulate of Milan, matapos na siya ay makapagbigay ng mensahe para sa lahat kaugnay ng pagdiriwang ng araw ng kalayaan . Binanggit din niya ang mga kasalukuyang programa ng Konsulato sa ilalim ng pamumuno ng bagong Consul General IRENE SUSAN NATIVIDAD.
Ang mga nahalal na pinuno ay sina Emerson Malapitan bilang pangulo, Fhely Gayo- Pang. Pangulo (Internal), Benny Lauzon-Pang. Pangulo (External) at Divina Bulseco-Pang. Pangulo (Kababaihan), Florian Arandela- Kalihim, Daisy Del Valle at Marivic Galve (mga Katuwang na kalihim), Marycris Cocjin-Ingat Yaman, Margie Ramirez at Hayley Verzosa (Mga Katuwang na ingat-yaman), ang Tagasuri ay si Dennis Ilagan, katuwang sina Rita Cruzat at Dinna Casas, Tagapagbalita Mercedita De Jesus kasama si Doris Oliver. Kabilang din dito ang mga tagapayao na sina Dionisio Adarlo, Gregorio Mendoza, Aurelio Galamay at Henry Gayo.
Matapos ang panunumpa ay ang pagsasalita ni Pangulong Emerson Malapitan at ibinahagi niya ang damdaming noong una’y may pag-aalinlangan sa kanyang kakayahang mamuno dahil sa idad na higit ang kabataan sa mga kasamang opisyal pero binigyang-halaga dahil ang lahat naman ay makakayanan kung may suporta at pagtulong mula sa lahat ng kasama.
Mula naman sa mensahe ng pangulo ng OFW WATCH Italy Rhoderick Ople, na binasa ng kalihim nitong si Dittz De Jesus, pagbati mula sa pambansang organisasyon dito sa Italya na makakasamang magsusulong sa mga karapatan at kagalingan ng mga OFW at pamilya nito. Binigyang-diin din sa mensahe ang papel ng bawat isa upang mabantayan ang kalayaang ipinaglaban noon ng mga bayani at paggigiit sa mga karapatan ng mga manggagawa at maging ng mga kababaihan.
Nagpaabot din ng pagbati ang Assessore ng Reggio Emilia na si Serena Foracchia at binanggit niya ang patuloy na pagsuporta sa komunidad ng mga Pilipino.
Isa pa sa inabangan ng lahat ay ang pagkakaroon ng paligsahan sa Best in Filipiniana at Best in Barong kung saan ang lahat ng mga nakasuot nito ay nag-passarella at ipinakita ang maayos na pagdadala sa kasuotan. Mayroon ding maliit na eksibisyon ng mga gawang -produktong Pilipino, mga obrang ipininta ni MaDittz at sari-saring pagkaing Pinoy.
Sa pagitan ng mga presentasyon ay nagbigay din ang Bahaghari Group ng mga plake ng pagkilala sa mga kasaping organisasyon at mga ka-alyadong mga samahan, pati na rin sa mga isponsor na tumulong sa mga ibang pangangailangan para maisakatuparan ang pagdiriwang. Nagpahayag din ng pagbati ang FINASS (Filipino-Italian Nurses Association) at tuloy ay nagsabi ng kanilang mga serbisyo-medikal at misyon para sa mga Pilipino.
Nagkaroon din ng maigsing fashion show ng mga kabataang suot ang mga likhang eco-gowns ni Neri Pamittan, ang pamosong istilista na gumagawa ng mga kasuotan na nagkamit na ng karangalan sa iba’t ibang timpalak kagandahan.
Sa bandang huli ng programa ay ang pagsasalin ng simbolong susi ng ERAFILCOM , para sa susunod na mamamahala sa selebrasyon ng Kalayaan sa taong 2019. Ang koalisyon ng Ravenna, Rimini at Forli ang tumanggap ng responsibilidad mula sa grupo ng Reggio Emilia. Kaya makakaasa tayo na patuloy na ang pagdiriwang na pang-rehiyon dahil sa pamumuno ng mga mahuhusay na lider at miyembro ng ALYANSA. Isang pagpapatunay na kapag may koordinasyon at pagkakaisa mula sa lahat, anumang adhikain ay matutupad.
isinulat ni:
Dittz Centeno-De Jesus
Mga kuhang larawan:
Perly Baguios