Sa bawat sulok ng mundo, ang mga Pilipino ay handa na upang ipagdiwang ang ika-126 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas. Ang selebrasyong ito ay hindi lamang isang paggunita sa kasaysayan kundi isang patunay na ang diwa ng pagka-Pilipino ay buhay na buhay saan mang dako ng mundo.
Sa Roma, ilang buwan ng pinaghahandaan ng PIDA o Philippine Independence Day Association, ang pagsapit ng okasyong ito kung saan kasama rin ang iba’t-ibang organisasyon at mga kasaping asosasyon, sa tulong ng mga sponsors at filipino businesses at aktibong pagsubaybay ng Philippine Embassy Rome.
Idaraos ang pinakamalaking pagtitipon ng Filipino Community sa Roma sa June 9,2024 sa Atlantico Live, kung saan itatampok ang mga tradisyunal na sayaw at musika ng Pilipinas. Magtatanghal ang mga Filipino local artists mula sa lahat ng edad. Magsasalu-salo din ang buong komunidad, kasama ang mga panauhin sa pinaka-malaking hapag kung saan matatagpuan ang lahat ng ating mga paboritong pagkain.
At dahil ang araw na ito ay literal na ‘bonding’ ng lahat ng mga Pilipino sa Roma at ilang karatig lugar sa South Italy, pagkakataon din upang makilala ang mga serbisyong handog ng mga filipino businesses na magtatampok rin ng iba’t ibang pakulo sa kani-kanilang mga booths!
At narito ang pinakahihintay ng marami! Huwag palampasin ang posibilidad na manalo ng sangkatutak na pa-premyo! Unang-una na dito ang 8 round trip tickets Rome-Manila-Rome na ipamimigay sa mga maswerteng mananalo sa Raffle, sa halagang €1 lamang kada ticket!
Hindi dito magtatapos ang sorpresa dahil ngayong taon ay nagbabalik ang Balik-Saya hatid ng OWWA! Lahat ay imbitado para makisaya at makitawa, OWWA member man o hindi!
Ang Diwa ng Pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan
Sa kabila ng pagkakalayo sa sariling bayan, ang mga Pilipino sa Italya at sa buong mundo ay nagkakaisa upang ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan. Ang mga pagdiriwang na ito ay hindi lamang pagsaludo sa mga bayani ng ating kasaysayan kundi pati na rin isang pagkilala sa kontribusyon ng bawat Pilipino, saanman siya naroroon.
Tandaan na ang diwa ng pagka-Pilipino ay hindi nasusukat sa distansya. Sa bawat selebrasyon, ipinapakita nating mga Pilipino na ang ating pagmamahal at pagmamalaki sa ating bansa ay hindi kailanman mamamatay.
Kaya tayo na’t ipagdiwang ang ika-126 na taon ng ating kasarinlan. Makiisa, makisaya sa maraming sorpresa! Magkakaroon din ng pagdiriwang ang Filipino Community sa Milan (June 29-30) at Florence (June 16).
Maligayang Araw ng Kalayaan, mga kababayan! Mabuhay ang Pilipinas!
Para sa karagdagang detalye, bisitahin ang official page: Kalayaan2024 Rome Italy