Sa dalawang magkaibang araw ay parehong nakapulot ng wallet ang kambal na Pinoy na sina Rey at Remedios, residente sa Reggio Calabria ng ilang taon na. Sa kabila ng kasalukuyang krisis, ay hindi nasilaw ang kambal sa napulot bagkus ay piniling gawin ang tama at ang wallet ay dinala sa himpilan ng pulis upang maibalik sa may-ari.
Noong nakaraang Lunes, Aug. 30, habang nagjo-jogging bandang alas 8 ng umaga ay nakapulot si Rey Rebudal, 36 anyos, ng isang wallet na naglalaman ng atm at credit card, dokumento, passwords, bank details at cash.
Hindi nag-atubili ang binata na magpunta sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya, Questura di Reggio di Calabria, upang dalhin ang wallet at maibalik ito sa may-ari.
Natuwa ang mga pulis sa ginawa ng binata. Bilang bahagi ng proseso ay hiningi ng awtoridad ang buong pangalan ni Rey kasama ang balidong pagkakakilanlan.
Pagkatapos ay tinanong ng pulisya kung kaano-ano ni Rey ang isang Pinay na nagngangalang Remedios Rebudal.
Puno ng pangamba at pagtataka ay sumagot ang binata, “Sya po ay aking kakambal”.
Puno nang katuwaang sinalaysay ng mga pulis ang parehong kaganapan isang linggo na ang nakakaraan.
“Noong nakaraang Linggo, ang iyong kakambal ay nakapulot din ng wallet na naglalaman ng atm at credit card, dokumento at cash. At katulad mo, ang iyong kakambal ay nagpunta din dito upang i-report at ibigay sa pulisya ang napulot na wallet”, ayon sa pulis.
“Halos mapatalon ako sa tuwa at proud na proud ako sa ginawa ng aking kakambal”, ayon kay Rey.
“Kayong mga Pilipino ay may mabuting kalooban at tunay na mapagkakatiwalaan”, dagdag pa ng mga pulis.
“Ang sarap lang ng pakiramdam na kapag may nakita o napulot ka, isauli sa may-ari na walang inaasahang kapalit at si Lord na ang bahala”, pagtatapos ni Rey. (PGA)