in

Kapistahan ni San Lorenzo Ruiz, ipinagdiwang sa Messina, Sicily

Isang malaking pagdiriwang ang naganap sa Messina noong nakaraang ika-23 ng Setyembre 2018 bilang pagpupugay sa isang importanteng patron ng mga Pilipino, San Lorenzo Ruiz.

Tampok sa nasabing pagdiriwang ang paggunita kay San Lorenzo Ruiz, ang unang santong pilipino na nakanonisa sa kasaysayan ng simbahang romano katoliko.

Hindi na iba sa pandinig ng karamihan ang pangalang Lorenzo Ruiz. Ngunit ano nga ba ang kuwento ng kanyang buhay at paano siya naging santo?

Ating sariwain ang nakaraan. Hindi mahirap balikan ang buhay ni San Lorenzo Ruiz dahil hanggang sa kasalukuyan ay may mga naiwan pang bakas ng panahon kung kailan siya ay nabuhay. Makikita pa ng ating mga mata at mahahawakan pa ng ating mga kamay ang mga elementong ito.

Bandang taong 1600 nang isilang siya sa Binondo Maynila, isang mestizo dahil ang kanyang ama ay dugong intsik at ang kanyang ina naman ay isang tagala. Ang Binondo ay kilalang lugar mula pa noon ng mga Chinese at ganito pa rin ito magpa-hanggang ngayon. Naging sakristan sa simbahan ng Binondo ang batang si Lorenzo at nang lumaki ay nagtrabaho sa parokyang ito bilang isang sekretaryo dahil mahusay at magandang pagmasdan ang kanyang pagsusulat. Isang insidente ang naging dahilan ng pag-alis ni Lorenzo sa Pilipinas. Siya ay napagbintangang pumatay ng isang tao. Mga misyonaryong Dominikano ang nagligtas sa kanya at siya ay sumama sa kanila sa barko na noon ay papaalis patungong Japan. Pagdating sa Japan, na noong panahon ay kilala sa marahas na pag-uusig sa mga Kristiyano, nadakip si Lorenzo at ang mga kasama niya. Dumaan sa mahirap na torture habang nasa bilangguan si Lorenzo. Naging matatag lamang siya dahil sa tulong-tulong na paghikayat ng mga magkakasamang Kristiyano upang lumakas ang kanilang loob. Nahatulan ng kamatayan si Lorenzo at 15 kasamang martir mula sa Spain, Italy, France, at Japan – magkahalong mga misyonero at mga lokal na Hapones na Katoliko. Ibinitin si Lorenzo patiwarik sa isang balon. Binigyan din siya ng pagkakataong itakwil ang kanyang pananampalataya upang makaligtas at mabuhay.

Nakarating sa atin ang salaysay ng isang saksi sa mga salita ni Lorenzo: “Ako ay Katoliko at buong puso kong tinatanggap ang kamatayan para sa Diyos. kung mayroon akong isang libong buhay, iaalay ko lahat ito para sa Kanya.” Kasamang namatay ni Lorenzo ang 2 layko, 2 brothers, 9 na paring Dominikano, at 2 dalaga o birhen noong 1637.

Bukod sa pag-alala kay San Lorenzo Ruiz na pinaniniwalaang gabay ng mga katoliko sa kanilang buhay at pananampalataya, nagkaroon din sa isinagawang pagdiriwang ng masaya at makulay na programa. Ginanap ang piyesta ng santo sa Collereale sa Messina kung saan nagkatipon tipon ang mga Pilipinong nagpakita ng tunay na pagmamahal kay San Lorenzo Ruiz. Maraming mga bisita ang nagsidalo hindi lamang mula sa mga komunidad ng mga Pilipino sa Messina kundi pati na rin yong mga galing sa iba’t-ibang sektor ng lipunan.

Ang espesyal na panauhin ay ang mahal na Arsobispo metropolita ng Arcidiocesi ng Messina-Lipari-Santa Lucia del Mela na si Mons. Giovanni Accolla na malugod na tinanggap ng kaniyang mga anak mula sa filipino community ng Messina. Sinalubong nila ang obispo na tila tunay na ama ng tahanan at sinabitan ng classical na “neck flower garland”.

Mainit na pagbati din ang ipinadama ng mga kasapi sa mga panauhin mula sa mga komunidad ng mga africans na dumalo sa pagdiriwang.

Sa ginawang pagdiriwang ng banal na misa ay ipinamalas ng mga Pilipino ang tibay ng kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagkanta ng mga himig simbahan na lalong nagpamangha sa mga panauhin na ibang lahi dahil sa nakitang debosyon at lalim ng pananampalataya.

Ayon sa obispo, ang komunidad ng mga pilipino ay isang kayamanan sa kanyang nasasakupang arcidiocesi at nawa’y magsilbing magandang ehemplo sa ibang mga kristiyano na kanilang nakakasalamuha sa pangaraw-araw na pamumuhay at laging dalhin ang mukha ni Kristo saan man sila mapadako.

 

Quintn Kentz Cavite Jr.

larawan ni: F.G. Maggiore

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Decreto Salvini, pirmado na ni Matarella

BUHAY OFW SA ITALYA