Sa pagtutulungan ng Embahada at ng Komunidad, dalawang magkahiwalay na pagtitipon ang ini-alay kay Consulacion Dulay, isang OFW na mayroong terminal skin cancer, at ang tanging kahilingan ay ang makasama ang mga anak at pamilya sa nalalabing buhay.
Roma, Abril 30, 2013 – "Nais ko lamang makauwi ng buhay at makapiling ang aking pamilya" Ito ang wika ni Mrs. Consolacion Dulay, 64 taong gulang, tubong Novaliches, Quezon City.
Ang malubhang kalagayan ang nakatawag pansin upang ang OWWA, ang Embahada at ang filcoms sa Roma sa pangunguna ni Rome City Councilor Romulo Salvador ay nagkaisang kumilos upang sya ay matulungan.
Taong 1984 nang si Dulay ay dumating sa Roma at napasok agad bilang assistant cook sa isang Italian restaurant. Sa kasalukuyan, ay halos pitong taon na siyang walang trabaho at permit to stay hadlang sa lubos na health assistance na kinakailangan, sapat na dokumentasyon, gayun din ang kawalan ng sapat na halaga upang makauwi ng Pilipinas.
Buwan ng Marso nang sinamahan ni Salvador sina welfare officer Loreta Vergara at OWWA admin staff Heart Sangco sa tahanan ng maysakit.
Sa unang mga dokumentasyon ay natuklasang mahigit tatlong taon na ding walang OWWA payment si Mrs Dulay kaya’t minabuti ni Welfare officer na kumpletuhin ang personal, clinical records, at certificate of fit to travel and non contagious disease na siyang kailangan sa paglalakbay pabalik sa Pilipinas. Ang mga dokumentong nalikom ay agad na isinumite kay ATN officer Antonio Balladolid, upang agad na maapruban ang travel expenses ng maysakit na ofw. Noong Abril 26 ay dumating ang approval buhat sa Pilipinas at agad kumilos ang embahada sa pagbili ng tiket ni Mrs Dulay.
Sa kabilang panig naman ay mabilis na nakipagtulungan si Councilor Salvador sa mga filcom leaders upang magsagawa ng dalawang sunod na solidarity and fund raising activities upang pinansyal na matulungan si Mrs Dulay.
Isang ‘dinner-concert for a cause’ na pinamagatang ‘…sa mundo ng kawalan’ Pinoy Unplugged noong ika-14 ng Abrile 2013 sa Teatro Volturno ang unang ginanap. Ito ay isang reunion concert ng mga Pinoy local bands na pinangunahan nila Jojo Villanueva ng Unique Entertainment at Vickie Villanueva ng FILMAG o Filipino Musicians and Artists Guild.
Ang masayang dinner concert ay dinaluhan ng mga banda at mang-aawit tulad ng 4th Session Band, Queencel, Jeff Bacaro, Sonny Arciaga at Roommates. Hindi naman nagpahuli sa entablado ang musikerong si Mulong at ang mga organizers ng konsiyerto. Ito rin ay dinaluhan ni Monsignor Jerry Bitoon at ilan pang Pilipinong nagbigay ng kanilang suporta sa makabuluhang hangarin nito. Ang nasabing pagtitipon ay nakalikom ng Euro 400.00
Tatlong araw bago ang nasabing konsyerto, inilabas ng ospital si ginang Consolacion. Kanyang ninais na matunghayan ang pagdiriwang ngunit minarapat na magpalakas na lang sa kaniyang bahay. Habang tumutugtog ang mga banda, isang maikling video clip ang ipinapakita sa white screen kung saan ipinakita ng organizer ang kalagayan ni ginang Consolacion noong siya ay nasa ospital. Hindi man makita ang kanyang mukha, bakas sa kanyang mga kamay at binti ang epekto ng kanser sa kanyang katauhan. Isa ring sound clip ang ipinakinig kung saan buong pusong nagpasalamat ang ginang sa lahat ng tumulong sa kanya.
Ang malungkot na storya ni Consolacion ay nakarating din sa mga pinuno ng AS-FIL Roma, isang sports oriented organization. Isa namang ‘strike for a cause’ ang isinagawa noong April 25, 2013 sa Brunswick Bowling Roma. One day bowling tournament naman ang nagsilbing ebento upang makalikom ng pera para kay Ginang Dulay. Maliban sa FilMAG Administrator Vickie Paguio Custodio at Konsehal Salvador, ay nakipagtulungan rin ang AS FIL-ROMA Teddy Perez at Luis Salle, ang TPZ Bowling Randy Fermo at Jimmy Saguinsin at mga miyembro ng ONE GANAP GUARDIANS, ROME CHAPTER, ang A.S.D. TEVERE POWER ZONE na isang professional Filipino-Italian Bowling team.
Suporta mula sa 25 na bowlers ang dumalo. Hinati sila sa 2 grupo ng mga professional at amateur players. Ang mga sumuportang manlalaro ay sina:
PROFESSIONALS
Glenn Manalili
Hommer Biscocho
Jimmy Saguinsin
Ma. Rafaelita Figueroa
Alex Valdes
Leo Del Espiritu
Leonardo Saguinsin
Randy Fermo
Sandro Sattanino
AMATEURS
Zandy Lozano
Renel Escobar
Remias Panganiban
Nelson Siman
Nick Abiad
Bobot Manibo
Licerio Reyes
Mervin de Jesus
Thelma Sawali
John Garcia
Denie Savedra
Ariel Basinillo
Felix Romeo
Albert Malabrigo
Romulo Salvador
Teddy Perez
Para sa Amateur, pitong teams ang nagsagalpukan sa elimination round kung saan kinuha ang 4 top teams. Para sa Professional, ang top 4 naman sa elimination ang isinama sa top 4 teams ng Amateurs upang maglaban laban para sa final round. Tinanghal na Champion ang kuponan nila Leo Saguinsin, Remias Panganiban at Teddy Perez. Second place ang grupo nila Randy Fermo, Denie Savedra at Licerio Reyes at pumangatlo naman ang grupo nila Jimmy Saguinsin, Zandy Lozano at Renel Escobar.
Sa torneo, isang Pinoy buhat sa Italian Pharmacy (Tony Malabrigo), ang nakilahok at nagdala ng isang kahong Gentalyn creme na siyang pangunahing gamot sa mga sugat ni Consolacion Dulay. Ang "strike for a Cause" ay nakalikom ng euro 240.00.
Buong pasasalamat ng mga organizers sa lahat ng lumahok sa maliit na torneo na ito upang makatulong sa ating kababayang makapiling ang kanyang pamilya sa mga huling sandali ng kanyang buhay.
Sa pakikipag-ugnayan sa embahada, sinasabing si Mrs Dulay ay maaaring makalipad sa darating na Mayo 5, 2013. (Jacke de Vega at Tomasino de Roma)