Narito ang ilang karanasan ng mga Pilipinong nagka-Covid19 sa Italya, mga tunay na kwento ng pagsubok, pakikipagsapalaran at bagong buhay.
Simula ng magkaroon ng pandemya sa buong mundo, isa ang Italya sa mga bansa na sadyang sinundan ang mga pang-araw-araw na balita ukol dito. Mula sa ginawang lockdown ng ilang buwan noong nakaraang taon, pinanood sa mga programang pantelebisyon ang paglabas-masok ng mga ambulansiya mula sa hospital. Maging ang linya-linyang mga trak na naghahatid sa mga labi ng mga biktima ng coronavirus patungo sa mga morge o lugar para sa cremation ay naging kahambal-hambal sa madla. Marami ang nagkasakit at namayapa, at mayroon din naman ang naka-rekupero at bumalik na sa normal na pamumuhay.
Kumapanayam ang Ako ay Pilipino ng ilang mga kababayang handang ibahagi ang kanilang naging karanasan nang panahong sila ay maysakit, habang nasa ospital o naka-kwarantina sa kanilang sariling tahanan o sa hotel na pinaglagakan.
MODENA – Paano ba ang magdiwang ng kaarawan na positibo sa COVID virus at nag-iisang nakakuwarantena sa hotel? Iyan ang dinanas ni Ian De Austria Atienza, 34 anyos, binata at nakatira sa Modena. Nangyari ito noong kasalukuyang may lockdown sa Rehiyon ng Emilia Romagna, buwan ng Hulyo 2020. Naunang nagpositibo ang kanyang ama at sumunod sila ng kanyang ina. Ganyan nga ang naging karanasan niya, sila ng kanyang ina ay dinala sa hotel upang doon mamalagi. Palagiang may controllo dei parametri upang mamonitor ang kanilang kalagayan. Ang nakakatuwa ay hinaharana sila ng mga kaanak, kaibigan at mga kasama sa simbahan habang sila ay nasa balkonahe ng hotel kaya naging masaya na rin ang mga araw na naroon sila. May pagkakataon ding kinapanayam si IAN ng media at napanood ito sa balita sa telebisyon. Kalaunan ay nilipat na rin sa hotel na iyon ang kanyang ama. Sa magaang na aktityud ni IAN, na isang mahusay na emcee sa mga programa ng Filipino community sa Modena, masasabing naging kabagot-bagot man ang kanyang pamamalagi sa hotel, hindi niya pinabayaan ang kanyang katawan sa pamamagitan ng araw-araw na ehersisyo at pag-ubos sa masustansiyang pagkain na dinadala sa kanya. Makalipas pa ang ilang araw ay nagnegatibo na ang kanyang ina at sumunod na ring gumaling silang mag-ama. Isang madamdaming reunyon ang naganap sa kanilang tahanan. Tunay ngang mahalaga ang masayang disposisyon para sa maagang paggaling at pagbalik sa komunidad. Ang bilin niya ay ang pag-iingat, magandang kalusugan, tibay ng loob at pananalig sa Panginoong Diyos.
BOLOGNA – Buwan ng Disyember, umuwi si Mac Bermudez sa kanilang tahanan na kapapansinan ng panlalata, may konting ubo at sipon. Nangamba na si Angela, ang maybahay, dahil alam niyang sintomas yun ng COVID 19. Kinalaunan nga nilagnat at nagpositibo na si Mac. Naghiwalay sila ng tulugan dahil sa pangamba na baka mahawa si Angela. Nguni’t pagkalipas nga ng mahigit isang linggo ay nagpositibo na rin si Angela. Ang dating tagapag-alaga sa mister ay siya namang inalagaan noon. Salamat na rin sa suporta ng pamilya na kanilang pinaglilingkuran dahil natutugunan nito ang mga medikal nilang pangangailangan gaya ng komunikasyon sa doktor at iskedyul ng swab test. Ang kanilang mga kaibigan naman ay di nakakalimot na sila ay kumustahin at dalhan ng mga pagkain at iba pang bagay. Nakabawas ito sa pag-aalala ng kanilang mga anak dahil nasa ibang siyudad ang mga ito at ang isa naman ay kasama ang pamilya sa Pilipinas. Ang nakakalungkot ay ang pagsapit ng Kapaskuhan na silang dalawa lamang ang nagdiwang. Sa pagsapit ng Bagong Taon ay nadeklara na silang negatibo nguni’t umiwas pa rin sila sa publiko bilang dagdag na pag-iingat. Dahil magkaminsan ay naranasan nila ang pabiro o halatang pag-iwas ng ibang kababayan kapag sila ay nakikita. Ayon nga kay Angela, ang naranasan nilang mag-asawa ay isang pagsubok sa kanilang pagsasama at sa matibay na pananalig sa Diyos. Higit din nilang pinahalagahan ngayon ang pagkakaroon ng group support mula sa mga kaibigan na siyang nakapagpalakas ng kanilang loob na harapin ang pagkakasakit.
Gaano kalungkot ang mawalay sa pamilya ng anak at pinakamamahal na mga apo? Iyan ang dinanas ni LITA (di tunay na pangalan) nang siya ay mahospital nang ilang linggo dahil sa COVID19. Sa bawat swab test niya na positibo ang resulta, halos mawalan na siya ng pag-asa na gagaling pa. Sa anak niya nakikipagkomunikasyon ang doktor kung kaya lagi siyang nag-aalala kung kailan nga ba siya ubra nang makalabas ng hospital. Ang ikinalungkot pa niyang lalo ay nang magpositibo na rin ang manugang at isang apo kung kaya nakuwarantena na ang buong mag-anak sa kanilang tahanan. Laking pasasalamat niya sa Diyos nang ideklara na siyang negatibo at nakabalik na sa kanilang bahay. Pasasalamat nang malaki sa suporta ng kanilang church group at mga kaibigan. Pero ang pagsubok ay sadyang nakasunod sa kanya dahil kalaunan ang pamilya naman ng kanyang kapatid ang naapektuhan. Sa ngayon ang mag-aama ay gumaling na at ang tanging hinihintay na lamang na maging maayos ang kalagayan ay ang kanyang kapatid. Sabi nga ni Lita, sa bawat komento niya sa Facebook, huwag maging kampante, mas doble ang pag-iingat dahil ang virus ay nariyan pa rin sa komunidad. Pahabol pa niya na sana ay matanggap na nila ang ipinangakong ayudang-pinansiyal mula sa ahensiya ng gobyerno ng Pilipinas dahil makakatulong ito kahit paano sa nawalang kabuhayan nila dahil sa matagal na pagkakasakit.
Sila ay ilan lamang sa mga naapektuhan ng virus. Dumanas ng hirap at isolasyon nguni’t hindi nagupo ang kanilang pananalig sa Diyos at nakatanggap din ng tunay na malasakit mula sa kapwa. Mas lalo ring tumibay ang bigkis ng samahan sa pamilya at mga kaibigan dahil sa mga panahong yaon, totoo ang kasabihang “No man is an island”. Talagang kakailanganin natin ang ating kapwa upang makatawid sa matinding pagsubok at makapagbagong-buhay. (ni: Dittz Centeno-De Jesus)