Roma, Disyembre 6, 2013 – Kung minsan, hindi natin aakalain na dito sa Italya, may mga simple tayong kababayan na naghahangad ng maganda para sa ating mga kapwa-Pilipino, lalo na sa mga kabataan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang pambihirang kaalaman. Sa puntong ito, nakakahanga ang layunin ni Bernardino Chu o mas kilala sa tawag na “Bern” na ibahagi naman sa iba ang kanyang natatanging talento at kakayahan sa kakaibang sport, ang karate. Lingid sa kaalaman ng marami, si Bern ay naging delegado ng ating RP Team Karatekas at nag-uwi na rin sa Pilipinas ng mga karangalan mula sa iba’t-ibang kompetisyon na kanyang sinalihan. Sa kasalukuyan, siya ay kaanib ng Philippine Karate Federation (PKF), World Karate Federation (WKF) at Metodologie Avanzate Sportive Karate (MASK).
Si Bern ay ipinanganak noong Agosto 1, 1978 sa Cainta, Rizal, pero halos lumaki at nagka-isip sa Mindanao nang ang kaniyang buong pamilya ay lumipat sa Cagayan de Oro City nang nadestino ang trabaho ng kanyang ama dito. Malinaw pa sa kanyang alaala ang kauna-unahang sabak niya sa karate. Aniya, “Mga 13 lang yata ako noon nang ipa-enrol kaming tatlong magkakapatid ni Papa sa isang karate school. Anim kaming magkakapatid at lima sa amin ang nag-aral ng karate. May time na naging boring din sa akin ang karate noon, pero ginaganaan din naman ako tuwing nare-realize ko ang malaking naitulong nito sa akin.” Ang kanyang potensyal at galing sa karate ang naging daan upang siya ay maging scholar ng Capitol University kung saan siya nakatapos ng B.S Criminology. Bukod dito, malaki rin ang naging impluwensya sa kanya ng karate sa paghubog ng disiplina sa kanyang sarili. Taliwas sa pagkakaalam ng marami sa atin na ang isang nag-aral ng “martial arts” o “self defense” ay mahilig sa away, kabaligtaran ito sa katotohanan. Sa katunayan, isa sa mga panuntunan ng karate ay “To use this art only when all other forms of self preservation have failed.” Ang ibig sabihin nito, kung makakaiwas mula sa away o gulo, ito ay gagawin mo. Bahagi ito ng disiplina ng karate. Sa kanyang pagpapatuloy, “Karate is my way of life. Ang karate ang nagturo sa akin ng self-respect, respect for others and self discipline. Martial arts are more than a way to attack someone or defend yourself, itinuturo din nito na maging aware ka sa mga consequences of your actions. Skills like empathy, responsibility and self discipline are not innate, they need to be taught. Kaya maganda sa mga bata ang karate. It can be hard for them to learn these behaviors, so they come with practice and age. Martial art is a useful way to train children in how to have discipline at iba pang behavioral skills that will serve them well in life.”
Taong 2005 nang sunod sunod siyang nagkamit ng mga medalya mula sa iba’t-ibang mga prestihiyosong mga karate competitions. Nakapag-uwi siya ng dalawang silver medals mula sa European Senior Championship na ginanap sa San Marino at sa Le Hètet Cup Carcassone na ginanap sa France. Sa kaparehong taon din, gold medal naman ang kanyang nasungkit mula sa Csit Senior World Karate Championsip na ginanap naman sa Vienna.Isang malaking pagsubok ang dumating sa buhay ni Bren nang sumunod na taon, taong 2006. Sa kabila ng napakalaking ekspektasyon sa kaniya ng marami, bigo siyang makapag-uwi ng medalya mula sa Asean Games na ginanap sa Doha, Qatar. Naging sapat naman ang kanyang pagsasanay at conditioning bago ang competition kaya masyado niyang dinamdam ang kanyang pagkatalo dito. Minabuti muna niyang pansamantalang manahimik at mag “lie low” muna sa karate. Pansamantala muna siyang hindi sumali sa mga karate competitions. Ang pananahimik na ito ay tumagal din ng ilang taon. Taong 2007, nagdesisyon si Bren na subukan ang kanyang swerte sa Italya. Hindi ito ang unang tapak niya sa Italya dahil matagal din siya ritong namalagi para sa kanyang mga naunang training sa karate. Pero, sa puso ni Bren, ang karate ay ang kanyang buhay. Isang bagay na hindi niya kailanman makakalimutan. Malakas ang dikta ng puso kaya nagsimula siyang maghanap ng paraan kung saan pwede siyang maging aktibong muli sa karate, ngayon bilang isang instructor o tagapag-turo na. Sa kabutihang palad, napansin din ang kanyang mga credentials at kakayahan ng New Topline Gym sa Monte Tiburtini, kung saan kasalukuyan siyang nagha-handle ng mga karate sessions . At hindi pa dito nagtatapos ang kanyang pagbabalik dahil inoorganisa din niya ang isang malawakang awareness programs tungkol sa karate para sa mga batang Pilipino dito sa Roma. Ito na marahil ang pinakamagandang maihahandog ni Bren para sa mga kabataan, ang mai-share sa iba ang kanyang kakaibang kaalaman at talento sa karate. Kanya ding nabanggit na “Actually, wala naman talagang edad ang karate, kahit hindi na masyadong bata ay pwede pa rin namang matuto nito. Isa pa, it’s about time na makita din ng Italya kung anong klaseng mga talento at kakayahan mayroon tayong mga Pilipino.” (ni: Rogel Esguerra Cabigting)