in

Kasong pagpatay sa Rimini, isang Pinoy umamin sa mga awtoridad

Isang nakakagulat na balita ang lumabas ngayong gabi kaugnay ng nangyaring pagpatay sa isang pinoy sa Rimini kamakailan. Ang pinaghahanap na salarin ay isang Pilipino. 

Matatandaan na binawian ng buhay sa may bus stop ang isang Pinoy matapos itong undayan ng saksak halos isang buwan na ang nakakalipas. Bagamat sa lugar ng pinangyarihan ay maraming tao, hindi agad nabigyan ng pansin at saklolo ang nakahandusay na biktima. Akala umano ng mga nakakita ay isa lamang itong lasing na napahandusay sa kalsada. Nang dumating ang mga alagad ng batas pati na rin ang emergency team ay wala nang buhay ang 74-anyos na ofw na kinilalang si Galileo Landicho. 

Sa unang pahayag ng mga alagad ng batas, ang kaso ay maaaring isa umano sa mga mahirap lutasin dahil sa kakulangan ng mga mahahalagang detalye. Ngunit sa pakikipagtulungan ng iba’t-ibang ahensya ng mga imbestigador at sa tulong ng mga cctv ay unti-unting nagkaroon ng linaw ang imbestigasyon. 

Tatlo ang mga suspek sa nasabing pagpatay. Ang una ay isang citizen ng Marocco na nagnakaw ng bisikleta na ginamit ng salarin sa pagtakas. Ang isa pa ay ang isang lalaking nakita sa cctv na tumatakbo sa lugar ng krimen. Sa huli ay napag-alaman na ang pangalawang suspek ay naiwan ng bus kung kaya’t tumakbo ito. 

Ang mga naipong detalye sa imbestigasyon na mula sa iba pang cctv ay nakatuon lahat sa kapwa pinoy ng biktima. 

Dahil dito ay nagsagawa ng mas malawak na imbestigasyon ang mga awtoridad. Sinuyod ng mga ito ang mga taong malapit sa biktima at unti-unting nabuo ang maaaring naging dahilan ng pagpatay. 

Mainit na bantaan sa social media at matagal nang bangayan ang lumabas na puno’t dulo ng lahat. Matapos masukol ng mga awtoridad ang suspek ay inamin nito ang krimen at isinalaysay ang buong pangyayari. 

Lumabas na matinding selos ang dahilan ng lahat. Nais lamang umanong linawin nito sa biktima ang sitwasyon kung kaya’t inabangan nito ang huli sa may estasyon ng tren. Hindi inaasahang mas mananaig ang galit nito na nagtulak sa pagpaslang. Hawak na ng mga awtoridad ang kaso at nakatakdang sampahan ang 51-anyos ng murder. (Quintin Kentz Cavite Jr.)

Click to rate this post!
[Total: 3 Average: 3]

Decreto festività, inaprubahan ng Konseho ng mga Ministro

Shabu sa loob ng regalo, nakuha sa isang pusher