in

Katapatan ng mga Pilipino, ating ipagmalaki!

Maraming beses nang hinangaan ang mga Pilipino dahil sa kanilang kahusayan sa pagtupad sa mga gawaing may kaugnayan sa kanilang mga trabaho. Sabi nga ay laging ang hinahanap ng mga Italyano ay ang kalidad nito sa paggawa at dedikasyon sa pinaglilingkuran. May mga balita din namang negatibo lalo nat ukol sa droga at karahasan na kinasasangkutan ng ilan sa ating mga kababayan.

Bihira ang mga pagkakataon na nasasapubliko ang magandang gawi ng mga Pilipino, dahil na rin sa ayaw nila na ipaalam pa at hayaan na lamang na naka-pribado ang kanilang buhay.

Subali’t hindi natin dapat palampasin ang mga bagay na ito lalo at makakapagpatingkad ito sa mga positibo nating kaugalian at pagkakakilanlan at makapagbibigay pa ng inspirasyon sa iba.

Isa na nga ay ang naging magandang halimbawa na ginawa ng kababayan nating si EMIE COMIA mula sa Laguna at nakatira na sa Padova, Italya.

Gabi ng Miyerkoles, ika-19 ng Hunyo, 2019, habang namamasyal sila ng kanyang apo di kalayuan sa kanilang tirahan. May napulot siyang pitaka at nagdulot kaagad ito ng damdaming pagkaawa sa nagmamay-ari nito. Dali-dali silang umuwi ng bahay at tiningnan kung may ID na pagkakakilanlan dito. Isang Italyano ang nagmamay-ari nito. Walang numero ng telepono na maaari niyang matawagan kaya ang kababayang si JOHN NOBELO REYES, isang lider sa komunidad , ang kanyang naisipang tawagan at hingan ng tulong kung ano ang dapat gawin, bukod sa gabi na para magtungo pa sa Questura at ireport ang pagkawala.  Mula sa pangalang nakita sa mga dokumento ay hinanap ni John kung may account ito sa social network at dun siya nagpadala ng mensahe. Nung gabi ding iyun ay nagkaroon sila ng komunikasyon at pinuntahan nila ang tirahan nila Emie upang makuha ang pitaka.

Lubos-lubos ang pasasalamat ni GIULIANO MOZZATO, isang film actor at produttore di film e corto metraggi at dati ring presidente ng Arte Cinema.  Nasabi niyang bihira na ang mga taong tapat  at kapuri-puri daw ang ginawang kabutihan ni Emie, pati na ang pagsisikap ni John na matunton siya. Ang laman ng kanyang pitaka ay mga mahahalagang dokumento, ID, at bancomat na kung hindi napasakanyang muli ay napakalaking abala para maiulat sa Questura at makapagpagawa ng mga bagong kopya nito.

Grazie amici per aver trovato il mio portafoglio smarrito e di avermi gererosamanete contattato per consegnarmelo. Siete persone bravissime e oneste”, pasasalamat sa isang post ni Mozzato sa social network.

Sa mga Pilipinong patuloy sa pagiging tapat at may pagpapahalaga sa dangal ng ating lahi, isang pagpupugay sa inyo at nawa ito ay magsilbing huwaran sa mga kababayan natin saan mang dako ng mundo.

 

 

Dittz Centeno-De Jesus

mga Larawan may pahintulot sa may-ari

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Araw ng Kalayaan, ipinagdiwang sa Reggio Calabria

Araw ng Kalayaan 2019, masayang idinaos sa Milan