in

Katuparan ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas pinatunayan ng mga Pinoy sa Roma

“A nation is born into freedom on the day when such a people, moulded into a nation by a process of cultural evolution and sense of oneness born of common struggle and suffering, announces to the world that it asserts its natural right to liberty and is ready to defend it with blood, life, and honor.” – Diosdado Macapagal – Former President of the Philippines.

Tuwing ikalabindalawa ng Hunyo, ang Araw ng Kalayaan ay ipinagdiriwang ng mga Pinoy sa buong mundo. Ang diwa ng Kalayaan ay ang pagsasaalang-alang sa nasyonalismo o pagkamakabansa ng mga mamamayang Pilipino.

Sa araw na ito ay ginugunita natin ang pagka-proklama ng kalayaan ng bayang Pilipinas. Subalit ang tanong ng karamihan, tunay na nga bang malaya ang ating bansa. Anuman ang kasagutan o opiyion ng iba, para sa mga Pinoy sa labas ng bansa, makasaysayan ang selebrasyong ito upang ideklara ang pagsasarili ng Pilipinas mula sa pananakop ng Espanya na siyang pangunahing diwa ng pagiging malayang bansa at sa araw na ito ay tumatanaw tayo sa nakaraan.

Noong ika-13 ng Hunyo, taong kasalukuyan, espesyal na pangyayari ang mistulang Barrio Fiesta ang naganap sa Piazza Ankara sa Roma. Mula sa pag-aalay ng bulaklak kay Jose Rizal na matatagpuan sa Piazza Manila na siyang simbolo ng pagiging tunay na bayani hanggang sa selebrasyon ng Banal na Misa na pinangunahan ni Father Romy Velos sa Chiesa di Sant’Eugenio sa Piazza Belle Arti.

Dinalaw rin ng dating Vice President Noli de Castro ang selebrasyon nang araw na iyon at siya’y nagbigay ng mensahe para sa mga Pinoy. Sa kaniyang speech pinuri ni de Castro ang kahusayan at magandang pagtingin ng mga Italyano sa mga Pinoy sa bansa.

Ikinalugod naman ng mga Pinoy ang napakagandang mensahe at taos pusong pagbati ni Ambassador Romeo Manalo sa lahat ng mga Pinoy na naroroon. Malinaw na kaniyang sinabi na handa siyang maglingkod sa sambayanang Pilipino sa Italya at ipatupad ang kaniyang mga programang makakatulong sa mga OFWs. Laging bukas ang embahada sa lahat, pahayag ni Ambassador Manalo nang araw na iyon.

Muli na namang napatunayan ang husay at galing ng mga Pilipino sa pag-ooraganisa ng isang malakihang event tulad ng Independence Day sa pangunguna ng PIDA (Philippine Independence Day Association) na pinamunuan ng iba’t ibang committee sa ilalim ng pamamahala nina Consul Kristine Salle bilang presidente ng PIDA kasama sina Pia Gonzalez at Augie Cruz bilang bise presidente.

Ang pagod at hirap ng mga nagboluntaryo upang maging ganap ang Araw ng Kalayaan ay sulit dahil sa naging matagumpay ang selebrasyon dahil na rin sa suporta ng Embahada, mga Filipino leaders sa Roma, Consigliere Aggiunto del Comune di Roma Romulo Salvador, mga Guardians na namahala sa kaayusan at katahimikan sa pangunguna ni Marlon Magpali

Pinatunayan rin ng mga tagapagsalita na sina Consigliere Aggiunto Pia Gonzalez , Cesar Calangan – Branch manager ng Iremit, Vam Languita at Chris Gallardo ang kanilang husay sa magandang daloy ng programa sa pangunguna ni Armand Noma.

Sa bawat sulok ng Piazza Ankara may Pinoy na nakiisa at nakisaya, bawat booth ay may kaniya-kaniyang produktong Pinoy na kinagiliwan ng mga participants at may iba naman na nakikiusyoso lamang. Marami ang nakinabang sa mga produktong naroroon at ayon pa sa iba, mag-uuwi sila sa kanilang bahay ng mga pagkaing Pinoy na hindi nila natitikman sa malaga na panahon. Patok siyempre ang Halo-halo, palamig at sago dahil sa sobrang init.

Nag-enjoy naman ang mga manonood at participants ng Hat Parade, kapansin-pansin nga lamang ang sobrang dami ng pumaradang Guardians na may kaniya-kaniyang pangalan. Puna pa nga ng marami, sana daw nagsanib na lamang sila tutal ito naman ay para sa Araw ng Kalayaan. Nanalo ang Sentro Pilipino sa paligsahan ng pinakamagandang Hat.

Matapos ang parada, isang cultural presentation ang lalong nagpainit noong araw na iyon. Nagpamalas ng traditional at cultural dance ang Kayumanggi, nag-alab ang damdamin ng mga Pinoy nang awitin ang Ako Ay Pilipino at iba pang mga sayaw na kinagiliwan ng mga manonood.

Kapansin-pansin rin ang walang humpay na pakikipagkilala ni Ambassador Romeo Manalo sa mga tao na siya namang ikinatuwa ng mga nakakarami. Hindi niya alintana ang init ng araw at kusang loob niyang tinanggap ang bawat alok na picture taking. Karangalan na daw kasi ang makasama ang Ambassador sa picture.

Lalong naging masaya ang mga participants nang dumating sina Randy Santiago at Pokwang na talaga namang dinumog at kinagiliwan. TFC ang nagdala sa kanila sa Roma upang magbigay ng kasiyahan sa mga Pinoy na matagal ng hindi nakikita ang bansang Pilipinas. Sa pamamagitan ng TFC, muling naramdaman ng mga OFWs ang masarap na buhay sa Pilipinas. Sabi nga nila “There’s no place like home”.

Kaya nga sa Piazza Ankara man lamang, sa loob ng isang araw ay naramdaman ng mga Pinoy ang munting Pilipinas, kasama ng pamilya, kaibigan at kapwa Pinoy.

Alalahanin pa rin natin, matapos ang masayang araw na ito, tuloy na pakikibaka sa buhay, may panibagong tagumpay at umaasang may pagbabagong magaganap sa bansang ating sinilangan dahil kaalinsabay ng Araw ng Kalayaan ay naging malaya na rin tayo sa rehimen ng atin dating Pangulong Arroyo. Sa pag-upo ng bagong presidente na si Noynoy Aquino Jr., pagbabago at pag-ahon sa kahirapan ang inaasahan ng mga mamamayang Pilipino at pagkilala sa mga OFWs bilang tunay na bayani ng bayan.

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Mga bahay sa sariling bansa, dapat ideklara sa Revenue Authorities

Sanatoria – prosesong dapat sundin