Apat (4) ang mga Pilipino sa 28 non-Europeans na mga opisyal na kandidato sa nalalapit na halalan sa Comune di Padova ng Commissione per la Rappresentanza delle persone padovane con cittadinanza straniera, na magsisimula sa June 14 hanggang July 14.
Bago ang eleksyon, sa June 12, 2021, mula 5pm hanggang 7pm sa Giardini dell’Arena Romana ay magkakaroon ng pagkakataon ang lahat ng mga kandidato na magpakilala sa publiko.
Ayon sa www.padovanet.it, ang official website ng Comune di Padova ay makikita ang 28 kumpletong pangalan, nasyunalidad at kasarian ng mga kandidato.
Ang apat na Pilipino ay sina:
- Mabel Lanorio Malijan
- John Nobelo Reyes
- Edilberto ‘Jaycee’ Jr Cipres
- Jamaica Mallo
John Nobelo Reyes
Ipinanganak noong Marso 17, 1981 at nagmula sa Naujan, Oriental Mindoro, ikinasal kay Dorotea Malabanan Calinisan na taga Laurel Batangas. Sila ay may dalawang anak na sina Janiel at Daniela.
Siya ay nakapagtapos noong taong 2002 sa kursong Bachelor of Secondary Education major in Mathematics sa Rizal Technological University-Mandaluyong City at mayroong din 36 units sa kanyang masteral degree sa University of Rizal System- Antipolo City. Bago sila magsama ng kanyang asawa na nakabase sa Italya, siya muna ay nagtrabaho sa Department of Education-Health and Nutrition Center-Central Office sa Pasig City noong April 2002 hanggang April 2005. Nagtrabaho din siya sa isang joint project ng Department of Education at ng United Nations Population Fund (UNFPA) – Project Management Unit noong April 2005 hanggang April 2008.
Sa kasalukuyang siya ay itinalaga bilang Provincial Coordinator sa Padova at siya din ay National Council member ng National Organization na OFW Watch Italy.
Bakit mo gustong mahalal bilang kinatawan ng mga dayuhan?
“Kung sakaling ako ay mahalal bilang kinatawan sa komisyon ng mga dayuhan, sisikapin ko na magkaroon kami ng isang matatag, malakas at nagkakaisang komunidad ng mga dayuhan para maging boses sa konseho, igigiit na dapat ay pantay-pantay ang pagtrato sa karapatan ng mga dayuhan at magmumungkahi ng mga programang magiging kapaki-pakinabang tulad ng pabahay at study first-pay later para sa mga dayuhan mag-aaral na gustong ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo nang sa ganun ay dumating ang araw na walang ng mga dayuhan magtratrabaho pa bilang domestico/domestica sa halip ay mahanap ang trabahong akma sa tinapos at makamit ang kanilang pinapangarap“.
Ediberto ‘Jaycee’ Jr Cipres
Si Jaycee Cipres ay 10 taon nang naninirahan dito sa Italya, tubong Calaca, Batangas, isang nurse na kasalukuyang nagtatrabaho sa Ospedale di Bassini (Milano). Kilala dahil sa mahusay na serbisyo sa panahon ng pandemya. Presidente at founder ng Jaycee’s Angels APS.
Taong 2018 ay nagtrabaho bilang Nurse ng Prinsipe ng Germania Ferdinand Von Bismarch. Isang malaking karangalan para kay Jaycee na mapiling nurse ng anak ng prinsipe sa Amburgo.
Bakit mo gustong mahalal sa Padova bilang kinatawan ng mga dayuhan?
“Simulat sapul wala akong hinangad kundi ang tumulong sa aking kapwa. Taong 2019, itinatag ko ang Jaycee’s Angels Associazione Promozione Sociale, na kung saan ay nagpamedical mission ako ng libre sa mga Pinoy dito sa Padova, nagconduct din kami ng fundraising activity para makatulong sa mga eskwelahan sa Pilipinas ganun din sa mga nabiktima ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal. Ang halalan na ito ay napakaimportante sa akin hindi lamang para maging boses ng Filipino Community ganun din ang maging boses ng ibat ibang stranieri dito sa Padova. Sa ganitong paraan maipapaaabot sa Comune ang mga problemang hinaharap ng mga stranieri dito sa Padova“.
Filipino Community sa Padova
Ang filipino community ay ang ika-apat na pinakamalaking komunidad sa Comune di Padova, na may bilang na 1,783. Ang pinakamalaking komunidad ay ang Moldavians (3,640), sinundan ng mga Chinese (2,867) at Nigerians (2,414). Ang Comune di Padova ay mayroong kabuuang bilang na 34,306 ng mga dayuhang residente, kung saan 23,342 ang mga non-Europeans.