Sa buhay, hindi laging madali ang pagtahak sa ating mga pangarap, lalo na kung may mga balakid na dumarating tulad ng karamdaman. Ngunit para kay Alex, ang kanyang determinasyon at pagmamahal sa volleyball ang nagsilbing gabay upang malampasan ito.
Si Alex Kurt Patron Gunda, kilala sa tawag na Coach Alex, 28 anyos, ay ang nakatanggap ng Best Coach Awards nang tatlong beses na magkakasunod sa International Volleyball Tournament na inorganisa ng PEVA o Philippine European Volleyball Alliance.
Basahin din: Team Roma, Champion sa ginanap na Inter Europe Volleyball Tournament sa Denmark
Ipinanganak at lumaki sa Italya, si Alex ay isang dating atleta na naglalaro ng volleyball mula pa noong siya’y nasa elementarya. Ang kanyang husay at dedikasyon sa training at kompetisyon sa larangan ng sport ay nagbigay-daan upang maging isang mahusay na manlalaro.
Ngunit isang araw, dumating sa buhay ni Alex ang mabigat na hadlang bilang isang manlalaro.
“Unfortunately, nagkaroon ulit ako ng sakit sa puso sa ikalawang pagkakataon kaya napilitan akong tumigil sa paglalaro after 15yrs”, kwento ni Alex sa Ako ay Pilipino.
Ngunit sa kabila ng lahat, hindi niya hinayaang lamunin siya ng kawalan ng pag-asa. Sa panahon ng kanyang paggaling, napagtanto ni Alex na ang kanyang pagmamahal sa volleyball ay hindi nagtatapos sa paglalaro lamang.
“One day, while watching my ex team mates training, instead na mainggit ako, ang naramdaman ko ay mas ginanahan ako na pasukin ang mundo ng volleyball bilang coach”.
Dito nabuo ni Alex ang pangarap na maging isang coach. Tandang-tanda nya pa na nagsimula syang mag-coach sa maliliit na grupo noong 2019 sa A.S.D Poolstars Volley, sa tulong na rin ng kanyang coach na si Romar Aguilar, noong siya ay isang volleyball player sa nabanggit na club.
“Sa kanya ako nainsipire mag-coach dahil sa narating niya in a decade of his career as a head coach sa Italian leagues in high divisions”, kwento ni Alex.
Sinimulan niyang pag-aralan ang iba’t ibang aspeto ng coaching, mula sa mga estratehiya hanggang sa motivational techniques. Nakipag-ugnayan din siya sa mga dating coach at manlalaro upang higit pang mapalawak ang kanyang kaalaman.
Nagsimula siyang mag-trabaho bilang coach sa A.S.D. Green Volley sa Roma ng 2021 sa isang maliit na grupo, under 13 at isang adult group (2a divisione). Karamihan ng mga atleta ay mga Italians at ilang Pilipino. Ang grupo ay sumabak sa dalawang national tournaments, ang FIPAV and ACSI.
“Until now after my second heart surgery last year, i’m still coaching the same team with new members and i will continue to guide them and help them with their journey so they become better athletes”.
Bukod dito, naitaguyod din ni coach Alex ang Team Roma, ang Champion sa ginanap na Inter Europe Volleyball Tournament Men Category sa Denmark. Sa kanyang pamumuno, nagtuturo si coach Alex hindi lamang ng teknikal na aspeto ng laro kundi pati na rin ng kahalagahan ng teamwork, disiplina, at positibong pananaw sa buhay.
Ang bawat tagumpay ng kanyang koponan, ang bawat medalya at tropeyo na kanilang natatamo ay simbolo ng kanyang pagsusumikap at paninindigan. Higit sa lahat, ang kanyang kwento ay nagsilbing inspirasyon sa marami, na kahit anuman ang hamon na dumating, hindi dapat sumuko sa ating mga pangarap.
Future plans? “Probably, I will continue to train here, especially our Filipino youth, with the help of my dearest friend Allan Capistrano, who was a coach back in the Philippines. Eventually, God willing, I also wish to have the opportunity to assist alongside some great coaches like Coach Brian Esquibel and Coach Kung Fu Reyes in the Philippines.”