Roma, Enero 29, 2015 – Limang bagong kasapi ng Order of the Knights of Rizal ang kinilala noong ika-25 ng Enero sa ginawang pagtitipon ng samahan na ginanap sa embahada ng Pilipinas sa Italya.
Ang pagtitipon ay dinaluhan ng mga kabalyerong miyembro ng samahan sa pamumuno ni Carlos Simbillo KCR at Area Commander for Italy; Romulo Salvador, KCR Rome Adviser; Augusto Cruz, KCR Rome Chapter Commander; Dennis Reyes, KCR Firenze Chapter Commander; Henry Amboy, KCR Cagliari Chapter Commander at ilang mga kasapi buhat sa Rome at Firenze.
Sa pagbubukas ng programa ay nagbigay ng Welcome Address si Janelle Padilla, Cultural Attache of the Phil Embassy bilang kinatawan ng Embahada. Ang panauhing pandangal na si Hon. Consul General Dt. Fabio Fanfani, KCR ng Firenze ay hindi nakadalo at ipinabasa na lamang ang kanyang pagbati sa kanyang kinatawan na si Divina Capalad.
Ang pormal na seremonya ng pagkilala sa mga bagong kasapi ay sinimulan sa pagbasa ng isang Letter of Authority buhat kay Cesar "Bhoy" Alcoba KGOR, Regional Commander for Europe.
Kinilala ang mga bagong miyembro ng Rome Chapter na sina Michele Piacentini KR (Roma), Marco Pizzorno KR (Napoli), Marco Magni KR (Milan), Stefano Romano KR (Roma) at Norberto Fabros KR (Roma). Sina Marco Pizzorno at Marco Magni ay nangako na tutulong silang ipalaganap ang samahan at mga aral ng ating pambansang Bayani, Gat Jose P. Rizal pati na rin sa pagbuo ng mga chapter sa Milano at Napoli. Si Stefano Romano naman ay napamahal na sa mga pilipino sa Roma bilang isang photographer sa mga pagtitipon ng komunidad. Si Michele Piacentini ay matagal nang nakikipagtulungan sa embahada sa mga cultural events tulad ng Fibre Filippina kung saan siya ang Artistic Director. Ang kaisa-isang pilipinong si Norberto Fabros naman ay siyang namamahala ng paglilinis ng bantayog ng bayani sa Piazza Manila at namamahala sa mga programang gumugunita kay Gat Jose P Rizal buhat pa noong wala pa sa Italya ang OKOR.
Ang panimulang Pambansang Awit at ang awit ng pagtatapos ‘Ang bayan kong Pilipinas’ ay inawit at pinamunuan ni Blas Trinidad ng Guardians habang ang Closing Remarks naman ay binanggit ni Augusto Cruz, KCR Rome Chapter Commander.
Sa isang panayam ay sinabi ni Area Commander Carlos Simbillo na gagawin niya ang lahat upang mapalaki at mapatatag ang samahan ng OKOR sa Italya at sa Europa. Siya ay abala sa paghahanda ng italian delegation na dadalo sa Knights of Rizal International Assembly na gaganapin sa Vigan City sa ika 21-24 ng Febrero at gayun na din sa nalalapit na pagsasama at pagtanggap sa mga bagong kandidatong pilipino sa darating na Hunyo ng taon.
Tomasino de Roma
larawan ni: Noe B.