Nagkaroon ng unang pagtatanghal ang KORO HIRAYA, na isang grupo ng mga Pilipinong mang-aawit na binubuo ng mga miyembro mula sa iba’t ibang koro ng simbahan sa Milan. Ito ay ginanap noong ika-19 ng Mayo, 2023, sa Chiesa di Sta. Maria delle Grazie kung saan ay dinaluhan ito ng mga Pilipino, Italyano at iba pang mga migranteng may hilig sa musika.
Ang KORO HIRAYA ay inorganisa ng Philippine Consulate General sa Milan, na pinamumunuan ni Consul General ELMER CATO. Ang ideyang ito ay nagmula sa pakikipag-usap niya sa isang kaibigang Italyano na nagkaroon ng obserbasyon sa komunidad ng mga Pilipino na masisipag daw at mapagkakatiwalaan, bukod sa may mga taglay din namang talento sa iba’t ibang larangan.
Batid din naman natin na marami-rami na rin sa mga kababayan natin ang nabibigyang-pansin na ang mga taglay na talento sa pag-awit, pagsayaw, pagtatanghal, pagluluto, sa sining ng arte at iba pa. May ilan na ring nakapagdala ng tagumpay mula sa mga nasalihang mga paligsahan. Masasabing kinakailangan na lamang na mas higitan pa ang suporta para sa kanila mula sa ating gobyerno dito sa Italya, ang Konsulato sa Milan at ang Embahada ng Pilipinas na nasa Roma.
Ang Koro Hiraya ay binubuo nila choirmaster JOSELEO LOGDAT, piyanistang si MALOU RAUTO, ang kanilang manager na si JINNA MARASIGAN, mga miyembro ng koro, mga tagapagtaguyod gaya ni DR. DELY GO at iba pang donor , isponsor at mga boluntaryo mula sa komunidad ng mga Pilipino, bukod sa malaking bahagi ng suporta mula sa Philippine Consulate General sa Milan. Maging ang mga paring Dominikano ay sumuporta sa konsiyertong ito sa pamamagitan ng pagpapahintulot na maidaos ang pagtatanghal sa Chiesa di Sta. Maria delle Grazie.
Tunay ngang kahanga-hanga na maisakatuparan ang konsiyertong ito dahil magsisilbing inspirasyon pa sa mga kababayan na maglaan ng panahon na maipakilala ang galing at husay ng mga Pilipino, hindi lamang sa pagiging masisipag at mapagkakatiwalaan sa kanilang mga hanapbuhay kundi sa taglay na mga kakayahan.
Ulat ni:Dittz Centeno-De Jesus
Mga kuha: Erickveins Matamorosa