“Kulturang Nakagisnan Huwag Kalimutan, Bagkus Palawigin Para Sa Ating Kabataan”
Catania, Oktubre 12, 2015 – Tinanghal na Lakan si Alessandro Madella at Lakambini si Shenn Caroline Miguel sa ginanap na patimpalak sa Catania, Sicily kamakailan.
Sa pangunguna ng Filipino Community of Catania, na pinamumunuan nina President Leni Pagilagan Vallejo at Vice President Gerald Maat, ay ginanap sa unang pagkakataon ang Lakan at Lakambini sa Italya 2015 sa South Italy.
Lumahok ang mga kabataan buhat sa iba’t ibang bahagi ng Sicily na sina:
Kimberly Madriaga at Sam Cruz mula sa Giarre
Ma. Bernadette Damiac at Mc Khenzie Esguerra mula sa Reggio Calabria
Kresha Aquino at Alessandro Madella mula sa Salerno
Shenn Caroline Miguel at Kevin Corales mula sa Messina
Sa simula pa lamang ay makikita na ang pagtatanghal sa kulturang Pilipino sa ginawang patimpalak. Nakakawiling pagmasdan ang ikalawang henerasyon na suot ang malong sa kanilang production number at baro’t saya at patadyong bilang casual wear. Bukod pa sa mga talentong kanilang ipinamalas sa mga manonood – makabagbag damdaming tagalog songs at ang pambihirang magkahalong modern at cultural dance, na sadyang nagbalik sa alaala ng lahat ang ating Inang bayan, ang Pilipinas.
Higit namang nahikayat na makilala ang ating kultura ng mga dumalo at nakiisang Italyano sa patimpalak tulad nina Antonino Di Liberto, ang Honorary Consul sa Palermo; Emanuele Sammartino, CGIL; Amal Thissera, at Consigliere Aggiunto ng Catania; Avvocato Nunzia Scandurra; Maria Branciforti at Angela Battista.
Walang tulak-kabigin sa mga lumahok. Lahat ay pawang handa at nais patunayan ang pagiging isang tunay na Pilipino, dahilan upang mahirapan ang mga hurado na sina Pia Gonzalez, Ariel Lachica at Stefano Romano mula Roma, Carmen Perez mula Reggio Calabria at Rolan Bandola ng Segonella.
Tinanghal na Lakambini 2015 si Shenn Caroline Miguel. Siya rin ang tinanghal na Lakambini ng Kawanggawa, Talentadong Lakambini, Best in Production Number, Best in Filipiniana, Malikhaing Lakambini, Best in Casual Wear (Patadyong) at Palakaibigang Lamkambini.
Tinanghal namang Lakan 2015 si Alessandro Madella na tinanghal rin Best in Barong.
1st Runner up
Lakan ng Kultura John Mc Khenzie Esguerra
Lakambini ng Kultura Kimberly Madriaga
2nd Runner up
Lakan ng Wika Sam Jayson Cruz
Lakambini ng Wika Kresha Mae Cole Aquino
3rd Runner up
Lakan ng Turismo Kevin Corales
Lakambini ng Turismo Maria Bernadette Daniac
ulat ni: PGA
larawan nina: Stefano Romano at Ponciano Arriola