Isang Leadership Seminar-workshop at sinundan ng talakayan sa Gender and Development ang ginanap at dinaluhan ng mga Pilipino sa Bologna sa suporta ng Konsulato ng Milan, POLO at OWWA.
Bologna – Nitong ika 31 ng Hulyo, 2016, dinaluhan ng mga officers and members ng Federation of Filipino Associations, Bologna o FEDFAB, sa pamumuno ng pangulo na si Aurelio Galamay at kasama rin ang iba pang samahang Pilipino sa siyudad na ito, ang isang Leadership Seminar-workshop na pinangunahan ng OFW WATCH Italy President Rhoderick Ople. Sinundan din ito ng Gender and Development Talk ni OWWA Welfare Officer Jocelyn Hapal at pagpapaliwanag ni POLO Officer Mary Rose Usuraga, sa OWWA Act at iba pang programa ng POLO at OWWA.
Ang leadership seminar ay tumalakay sa mga konsepto ukol sa mga karakter ng pagiging isang tunay na lider at kung paano pamumunuan nang maayos ang isang samahan. Ibinahagi din dito ang mga dapat na gampanang responsibilidad ng bawat isa, opisyal man o miyembro at ang kahalagahan ng nakayanang gawain o tulong ng bawat isa. Binigyang-diin din na importante ang pagkakaroon ng ebalwasyon pagkatapos ng bawat proyekto o aktibidad lalo na ang tamang kritisismo sa sarili at sa iba. Pati na rin ang respeto sa pamunuan at sa mga kasama ay dapat na isaalang-alang upang magkaroon ng maayos na daloy ng working relationship.
Naging masigla at cooperative ang mga dumalo sa bahagi ng workshop kung saan ay gumamit ng ilang tools gaya ng mga turnilyo, puzzles at domino upang higit na maipakita at mabigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa at partisipasyon para mapagtagumpayan ang bawat hangarin o mithiin ng asosasyong kinabibilangan. At ayon nga sa isang partisipante, ito ay makakatulong din sa relasyong pampamilya o sa pagkakaibigan man. Dahil ang tagumpay ng isa ay tagumpay ng lahat at ang paninira naman ng isa ay maaaring makaapekto sa lahat, bagay na maaaring ikababagsak ng grupo.
Sa parte naman ng talakayan sa Gender and Development, nagkaroon ng pagsang-ayon ang lahat sa sagot na mahalaga at malaki ang naitulong ng pangingibang-bansa ng mga kababaihan sa usaping pang-ekonomiko ng bawat pamilya at maging ng bansang Pilipinas at hindi dapat isantabi ang kakayahan nito sa maraming larangan ng paghahanapbuhay. Ang pagtalakay ay nagsilbi pang inspirasyon sa mga aktibong miyembro ng FILIPINO WOMEN’S LEAGUE na nagsidalo, upang ipagpatuloy nila ang kampanya para sa karapatan at kagalingan ng mga kababaihan.
Naipaliwanag din nang maayos ang kasalukuyang pagbabago sa mga batas at sa pamamahala sa OWWA na nakapaloob sa OWWA Act, at kung ito ba ay nakapanig sa mga migranteng manggagawa at sasalig sa kapakanan ng bawat OFW. Ito ang patuloy pa ring tututukan ng OFW Watch Italy at ng mga miyembrong organisasyon nito sa kabuuan ng Italya.
Ang mga tulad nitong aktibidad ay ipagpapatuloy pa rin ng FEDFAB, sa tulong ng OFW Watch Italy at sa suporta na rin ng Konsulato ng Milan, POLO at OWWA, upang higit na mabigyang-lakas at pagsasanay ang hanay ng mga manggagawa at kaalinsabay sa pagbibigay-paliwanag at linaw sa mga programa ng pamahalaan sa labas ng bansa.
Ang leadership seminar-workshop ay idinaos sa Basilica di Maria dei Servi sa via Bersaglieri I, Bologna.
ulat ni: Dittz Centeno-De Jesus
larawan ni: Gene De Jesus