Ang pagdiriwang sa pista ng San Roque ng Lemery Batangas ay isa sa mga pinakahihintay na pista sa Roma. Isang araw na puno ng makulay at masayang kinaugaliang tradisyon ng isa sa pinaka malaking populasyon ng mga Pilipino sa Roma, ang mga Lemerenians.
Roma, Agosto 20, 2015 – Tinatayang aabot sa 1,000 katao ang mga dumalo at nakiisa sa pagdiriwang ng pista ng patron ng Lemery Batangas na ginanap noong August 16 sa Borgi dei Ragazzi Don Bosco Via Prenestina, Roma.
Ang pagdiriwang ay pinangunahan ng hometown association, Lemerenians sa Roma, sa pamumuno ng kasalukuyang presidente na si Beleth Serrano Aquino.
Ayon kay Aquino, bukod sa ginaganap na taunang pista sa Roma na nasa ikalimang taon na, ang hometown association ay aktibo rin sa mga aktibidad sa Pilipinas. Sa katunayan, malaki ang naging bahagi ng Lemerenians sa Roma sa rikonstruksyon ng kanilang simbahan sa Lemery.
“Bukod sa membership fee ng mga miyembro – dagdag pa ng presidente – na kasalukuyang nasa humigit kumulang 500 ang mga aktibong miyembro, ay mayroon ding mga fundraising event na ginagawa ang asosasyon”. Ito ay upang matugunan ang pangunahing layunin ng pagtulong sa mga pangangailangan sa Lemery, Batangas.
Patuloy rin ang scholarship program ng grupo sa ilang pili at higit na nangangailangang kabataan sa Lemery. “Ang mga mapalad na kabataang ito ay magpapatuloy sa kanilang pag-aaral mula elementarya hanggang kolehiyo”, dagdag pa ni Aquino.
Bukod dito, nagpapadala rin ng kinakailangang tulong ang Lemerenians sa Roma sa mga biktima ng sakuna tulad ng nakaraang habagat.
Sa kabila ng mga ginagawang pagtulong sa Lemery, ay aktibo rin ang asosasyon sa kanilang aktibidad sa Roma kabilang na dito ang summer sports festival tulad ng soft ball, basketball at volleyball ng mga miyembro.
Matatandaang noong 2010 ay dumalaw sa Roma ang alkalde ng Lemery na si Mayor Larry Alilio. Sa kanyang suhestyon, dahil na rin sa laki ng bilang ng mga taga-Lemery sa Roma, ay opisyal na nabuo ang hometown association bilang Lemerenians sa Roma. Sa katunayan, ang unang pagdiriwang ng kanilang town fiesta ay ginanap sa Arco di Travertino ng parehong taon.
Mula noon, ang kabuuang 12 barangay ng mga Lemerenians sa Roma ay naging aktibo para sa katuparan ng magandang simulain ng grupo.
Taong 2012, ay opisyal na inirehistro ang hometown association sa Agenzia dell’Entrate at mula noon ay nagtataglay ng codice fiscale sa ilalim ng pangalang Lemery Association Volunteers in Rome. “Ito po ay dahil sa boluntaryong pakikiisa at pagtutulungan sa pagitan ng mga founding members (na sina
Henry Umali, Mr Obet Aquino, Doming Gaviola. Boy & Luz Calapatia, Mr & Mrs Ronald Reyes, Mr & Mrs Timmy Rosas, Enzo Aquino, Chona Holgado) mga nauna at present officers (na sina Pres. Beleth Aquino, Vice Pres. Totie Cabral, Sec. Aiza Calapatia, Tres. Sol Rosas at Asst. Tres. Chona Holgado) at lahat ng mga miyembro”, ayon pa sa kasalukuyang presidente.
Bilang kinaugalian, bahagi ng ikalimang taong pagdiriwang ang prosusyon kasama ang mosiko pagkatapos ng banal na misa. Sinundan ito ng tradisyunal na presentasyon ng 46 na barangay ng Lemery, bagaman nagsama-sama sa 12 aktibong barangay; ang Got Talent contest at ang pagpili ng Best Muse ng kasalukuyang Sport festival ng asosasyon.
Bago tuluyang magtapos ang pagdiriwang, bukod pa sa masaganang hapag, ay nagkaroon ng iba’t-ibang palaro at mga cultural presentation na kumumpleto sa buong araw na pagdiriwang.