Nagpakitang gilas ang Little Azkals sa kanilang pagdating dito sa Italya. Limang panalo ang kanilang natamo sa loob ng anim na laro mula nang sila’y dumating sa Palermo, Italy noong April 22, 2012.
Palermo, Mayo 3, 2012 – Ang Philippine Under 14 Football team o mas higit na kilala bilang Little Azkals ay ginimbal ang lahat nang pinataob ang kanilang kalabang Regina Calcio ng Seria B sa score na 8 – 0. Mas higit na namangha ang mga manood kasama ang mga maraming Pilipino nang nilimas ang score na 10 – 0 sa kanilang pangalawang laro sa Reggio Calabria laban Inter Reggio.
Bago pa man ang mga larong ito ay nanalo na ang koponan sa kanilang mga naunang friendly matches sa Palermo. Tinalo nila ang Giacomo Tedesco Scuola Calcio sa score na 5,0, ang Christina Scuola Calcio, 2 – 1 at ang Panormus Calcio sa score na 4 – 1. Isang laro lang ang hindi nila pinagtagumapayan laban sa Mezzojuso Scuola Calcio 0 – 3.
Ang Little Azkals ay dumating sa bansa para lalo pang mapahusay ang kanilang galing at maging preparasyon ito sa kanilang mga darating na laban lalo na ang kanilang Asian Tournament sa Malaysia. Ang kanilang biyahe ay inayos ni Gng. Rachel Ruiz Genco, board member ng Cebu Football Association at coach ng isang Italian football school sa tulong ni G. Niccolo’ Ferrante, Director General ng A.S.D SportVillage Tommaso Natale Scuola Calcio Giacomo Tedesco – ang host ng training camp ng koponan.
“Nagsimula ang ideya ng training camp ng bumisita sa amin sa Cebu ang aming kaibigan na si G. Ferrante nang makita niya ang mga bata sa kanilang laban sa isang torneo” ani Ruiz Genco.
Si Rachel Ruiz Genco ay nakabase sa Palermo at ang kauna unahang Pinay coach sa scuola di calcio kung saan ang kanyang anak na sina Giacomo at Lorenzo. Si Lorenzo ay isa sa miyembro ng Little Azkals.
Ang halos dalawampung araw na pamamalagi sa Italya ay naging mahalaga para sa koponan dahil sila’y susubaybayan ng mga importanteng tao sa larangan ng calcio tulad ni coach Ignazio Arcoleo, ang isa sa mga humubog sa Italian calcio star player na si Marco Materazzi.
Bukod sa moral support na ipinakita ng ambassador ng Philippine Embassy Rome His Excellency Virgilio A. Reyes Jr, na nakadaopang palad ng grupo noong bumisita sa Palermo, ay nagbigay din ang mga ilang Filipino communities ng kani-kanilang suporta sa koponan tulad ng grupo nina Ramon Reyes at Emma Haduc ng Reggio Calabria, grupo ni Dding Unica at ang Philippine Don Bosco Association sa pamamagitan ng presidente nito na si Rey Lagutan ng Palermo.
“We had lot of sacrifices and hardships in bringing the team to Italy but we are rewarded by their exemplary performances. I am proud of these guys! Kami’y nagpapasalamat sa lahat ng mga tumulong sa grupo mula pa sa ating mga kaibigang mga Italians lalo na ang ating mga kababayan at ang kanialng mga kumunidad particularly Ramon and Emma for their effort in accommodating the whole team in Reggio Calabria. I hope that this training camp will contribute to the growth of the team. I also hope that this will be the start of more things like these to happen in the coming days.” pagwawakas ni Ruiz Genco. (ni: Armand Curameng)