Pagdiriwang ng pista ng tatlong hari, araw ng pagbabahagi ng mga natatanggap na biyaya. Bagay na ginawa ng Guardians International (GI) Livorno sa pamamagitan ng ‘3 Kings Charity Bowling for a cause’.
Livorno, Enero 19, 2016 – Sinalubong ng Guardians International (GI) Livorno ang bagong taon kakambal ang intensyon na ipagpatuloy ang nasimulang pagtulong sa mga mas higit na nangangailangan sa ating bansa, kabilang na dito ang mga nasalanta ng bagyong Nona sa Oriental Mindoro.
Matagumpay na naidaos ang kompetisyon ng bowling na tinawag na “Three Kings Charity Bowling for a cause”. Ito ay ginanap sa Palasport Bowling Livorno noong ika-6 ng Enero, araw ng pagdiriwang ng piyesta ng tatlong hari, isang pagdiriwang na muling nagpapaalala sa mga ating mga kristiyano ng kabutihang-loob at pagbabahagi ng mga natatanggap na biyaya, malinaw na simbolo ng pagdamay sa kapwa lalo na sa mga kapus-palad.
Siyam na grupo ng mga bowlers ang nakiisa sa nabanggit na inisyatiba. Ilan sa mga sumali ay galing pa sa mga lalawigan ng Roma, Firenze, at Pistoia. Kabilang sa mga dumalo ang tatlong teams ng Roma RBA Knights, RAM Pin Punisher, at FBI. Pinoy Sport Club naman ang galing sa Firenze, at ang Guardians International Montecatini bowlers naman ang nagrapresenta ng lalawigan ng Pistoia. Tatlong teams ang nagdala ng pangalan ng host city, ang Team Livorno 1, Team Livorno 2, at ang Barka Boys.
Itinanghal na kampeon ang Livorno 1. 1st runner up award naman ang nakamit ng kapatid na team Livorno 2 at Pinoy Sport Club in Florence naman ang nag-uwi ng award ng 2nd runner up.
Laking pasasalamat ng lahat sa organizing committee na kinabibilangan nina Marivic “Frmg Angel” Tantay , Femarian “Frmg Arianne” Lozano, Marites “Frmg Jewel” Ablog, at Bonifacio “Frmg Bonyx” Cagabhion na nag-asiste sa lahat ng mga bisitang manlalaro mula sa simula hanggang sa maghiwa-hiwalay ang mga manlalaro.
Habang isa isang naghahanda sa pag-uwi ang mga dumalong manlalaro, hindi maikakaila sa mukha ng bawat isa ang sayang dulot ng kaligayahang naramdaman nila sa kanilang mga puso, kakambal ang kabutihang loob na laging handang tumulong sa kapwa na mas nangangailangan, tulad ng tatlong hari na nagbigay ng kanilang alay sa Sanggol na isinilang upang maging ating tagapagligtas.
ni: Quintin Kentz Cavite Jr.