“Ang aming partisipasyon ay isang manipestasyon na tayong mga Pilipino ay nakikiisa rin sa mga programa ng mga Italyano kung ang layunin nito ay para sa ikabubuti naman ng marami.”
Magmula pa noong taong 1979, taon-taon na pinagdiriwang sa buong Italya, tuwing sasapit ang unang Linggo ng Pebrero ang “Giornata Nazionale Per La Vita” – isang nasyonal na panganampanya tungo sa kahalagahan ng buhay. Isang sama-samang pagpapamalas sa kahalagahan ng buhay – ang pinakamagandang regalo na natamo ng sangkatauhan mula sa Maykapal. Isang kilos kampanya upang magbigay kamalayan sa bawat nilalang na ang regalong buhay mula sa Diyos ay dapat palaging pangalagaan at bigyan ng pagpapahalaga. Taon-taon ay may iba’t-ibang tema ang selebrasyon. Ngayong taong 2011, ika-tatlumpu’t tatlong taon ng kampanya, ang naging tema ng okasyon ay “Educare alla pienezza della vita.” Ang edukasyon ay ang kapunuan ng buhay at ito ay isang hamon para sa ating lahat na napagkalooban ng buhay.
Bawat importanteng siyudad sa buong Italya ay nakiisa sa nasabing nasyonal na pagdiriwang nitong nakaraang Pebrero 6, araw ng Linggo, sa kani-kanilang mga plaza o liwasang bayan. Sa katunayan, sa siyudad ng Napoli, sa pangunguna ng L’Ufficio Famiglia e Vita, maraming indibiduwal ang maagang nagtipon-tipon sa Piazza Dante para makilahok sa nasabing selebrasyon ano man ang kanilang lahi, kulay o relihiyon. Nakitang nakiisa ang halos isang-daang kasapi ng Comunità Filippina di Napoli, tangan-tangan ang isang banner ng komunidad at mismong bandila ng Pilipinas, sa pangunguna ng kasalukuyan nitong Presidente, Mr. Joel Manuel. Masayang masaya si Mr. Manuel sa partisipasyon ng Filipino community sa nasabing pagdiriwang. Aniya “Kaming mga Pilipino sa Napoli ay nakiisa dito dahil una, naniniwala kami sa kahalagahan ng buhay at nakikiisa kami sa kampanyang ito bilang isang pamilya. Sa katunayan, maraming dumalo ditong mga kababayan natin na may mga nararamdamang sakit sa pag-asang gaganda ang kanilang pakiramdam sa tulong-tulong na dasal.” Magugunita na ang Comunità Filippina di Napoli ay tinaguriang pinakamatandang komunidad ng mga Pilipino sa buong kasaysayan ng imigrasyon sa Italya. Ito ay naitatag noong 1977, tatlumpu’t-apat na taon na ang nakakaraan. Sa kanyang pagpapatuloy, kaniya ring nawika na “Mga apat na taon na ring nakikilahok ang komunidad sa taunang selebrasyon ng Giornata Nazionale per La Vita dito sa Napoli. Ang aming partisipasyon ay isang manipestasyon na tayong mga Pilipino ay nakikiisa rin sa mga programa ng mga Italyano kung ang layunin nito ay para sa ikabubuti naman ng marami.” Nagkaroon ng masayang programa ang selebrasyon at nagpakita rin ang mga Pilipino ng isang katutubong Maranao dance na lalong nagpatingkad sa kanilang partisipasyon. Kasunod nito ang parada mula sa Piazza Dante na nagtapos sa Piazza Plebiscito. Isang banal na misa ang ginanap sa Basilica di S. Francesco di Paola na pinangasiwaan ni Cardinal Crescenzio Sepe.
Ang taon-taong pakikilahok ng mga kababayan nating mga Pilipino sa Napoli sa taunang selebrasyon ng “Giornata Nazionale per La Vita,” ay isang magandang halimbawa ng pagpapakita ng unti-unti nating partisipasyon sa buhay ng ating “host society.” Ito ay isang pagpapakita ng mabilis na integrasyon sa kasalukuyang lipunan na ating kasalukuyang ginagalawan. Siguradong sa susunod na taon, muli na namang magpapakita ng gilas ang mga kababayan nating Pilipino sa Napoli sa susunod na edisyon ng “Giornata Nazionale per La Vita 2012.”
Rogel Esguerra Cabigting