Masayang lumabas ng Teatro delle Fornaci ang lahat ng mga manonood matapos ang show ng Loved Flock Rome Chapter noong nakaraang Linggo, ika-20 ng Pebrero. Maging ang mga bisitang Italyano ay nag-enjoy sa panonood.
Naging panauhing pandangal sina Ambassador Romeo Manalo, Consigliere Aggiunto Romulo Salavador at ilang mga opisyales ng Italian instution nang araw na iyon. “I enjoyed the show immensely” ang banggit ni Ambassador Manalo. Samanatala, sinabi naman ni Dott. Giuseppe Caggiati ng Centro Servizi Per L’Immigrazione della Provincia di Roma na sana daw, kung ang mga kagaya niyang italyano ay may komunidad na tulad nang sa mga Pinoy, may malaking pagbabago sa lipunan ng kaniyang bansa. Naiinggit daw siya sa ating mga Pinoy. Ang tema ng show na “Love is the Answer” ay nakatulong daw sa kaniya upang lalo niyang maintindihan ang dahilan kung bakit may mga dayuhan sa Italya. Nag-enjoy rin si Dott. Paolo Nardi ng Centro Per L’Impiego at Ma. Pia Vinanzi ng Polizia di Stato.
Ang simple at organisadong show sa tulong nina Arman Noma, Director, Ronnie Caravan, Stage Manager at Ex-VIP Dancer Andy Lanas, choreographer sa pamununo ni Bro. Georger Magmanlac ay may layuning maglikom ng pondo para sa kauna-unahang Marriage Encounter Seminar sa Roma na isasagawa ng Loved Flock main Manila Counsellors sa August 2011. Ang seminar na ito ay upang mag-reach-out sa mga mag-asawa para maisalba o mas mapatatag pa ang kanilang pagsasama.
“Salamat po ng marami sa lahat ng sumuporta at bumili ng ticket at talaga naman pong malaking tulong ang inyong naibahagi sa amin. Hindi po dito matatapos ang ating pagkikita at sana nga po makasama naming kayo at huwag po kayong magsasawa sa pagsuporto. Nais ko rin pong pasalamatan ang pamilya ng Loved Flock dahil kung wala po kayo hindi natin magagampanan ang isang isang show na tulad nito. Salamat kay Arman, Ronnie and Kuya Andy, at Romy Sandoval, ang official make-up artist, nakita ko po ang ang inyong suporta at sana rin po ay lagi kayo sa tabi namin. Pagpalin kayo ng ating Panginoon Diyos. Abangan po ninyo ang mga susunod pa naming show.” – masayang pahayag ni Magmanlac.
Naging tampok rin ang book launching, “Ok ka lang dyan” sinulat nina Fr. Rex Fortes, CM – Roma at Fr. Adonis, SVD – Germany. Ito ay isang libro na naglalaman ng mga Kuwento, Tula at Pagninilay para sa mga Migranteng Pinoy. Ang anumang donation na kanilang matatanggap mula sa librong ito ay kanilang iniaalay sa mga migranteng nangngailangan ng tulong. Kaya’t ang panawagan ng dalawang authors ay suportahan sila upang magkaroon ng konting pondo sapagkat ang ito’y muling babalik sa mga migranteng kailangan ang tulong.
Nang araw na iyon, mula umaga hanggang sa matapos ang show, buong pusong nakiisa ang bawat miyembro ng komunidad at lalong pinatunayan ng mga ito ang kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng pagsali sa show. Mag-asawahan, mga anak, mga bata, kabataan at mga indibidwal na miyembro ay hataw sa pagsayaw at pagkanta na kinagiliwan ng mga manonood. Sila ang mga taong kailanman ay hindi nakatuntong sa entablado na siyang naging bida nang araw na iyon. “Hanga ako sa Loved Flock, kahit konti lang sila pero makikita mo ang pagkakaiisa at kalidad ng samahan at pag-uunawaan.” Papuri naman ni Yolly Abarintos, emcee sa araw na iyon kasama ni Dino Santos.
Pinasalamatan rin ni Bro. George Magmanlac ang mga sponsors na patuloy sumusuporta sa anumang gawain ng komunidad, Pyramid Entertainment Productions, Krewayz at Fr. Romy Velos, chaplain of Sentro Pilipino.
ni Liza Bueno Magsino