Kasabay ng pagdiriwang sa Italya ng “International Day of Parents” na itinatag ng United Nations, ay iginawad ang parangal bilang “Little Ambassador of Peace” kay Lucas Nathaniel Pascua bilang unang sanggol na ipinanganak sa Italya sa taong 2018.
Inorganisa ng Women’s Federation for World Peace o WFWP, ginanap ang parangal noong June 1 sa Sala del Carroccio sa Comune di Roma. Panauhing pandangal si Consigliera Gemma Guerrini, ang presidente ng Commissione delle Elette at Delegata del Sindacato sa naging pagdiriwang.
“Salamat sa mga organizers sa pambihirang parangal na ibinibigay sa mga sanggol na Ambassadors of Peace taun-taon at ngayong taon ay higit na makabuluhan ang parangal dahil ito ay ibinigay sa isang filipino, patunay lamang ng pagiging bukas sa mga foreign origins na ipinapanganak sa bansa”, yaon ng panauhin.
“Nais naming bigyang halaga ang pamilya, ang Ina, ang buhay at naniniwala kami sa kinabukasna ng ating mga kabataan… na mula sa pagkabata sila ay dapat bigyan ng magandang edukasyon ng may pagmamahal at responsabilidad”, ayon kay Flora Grassivaro, ang Presidente ng WFWP- Padova at coordinator ng pagdiriwang.
Ayon sa mga magulang na sina Neil Christian Pascua at Pauline Bautista, napaaga umano kaysa sa inaasahan ang pagsilang ni Lucas at ipinanganak ng eksaktong alas dose ng hatinggabi, kasabay ng putukan at pagsalubong sa bagong taon.
“Masaya pa kami at hindi na namin ito inaasahan. Nakalaan po siguro talag kay Lucas ang title”, ayon sa mag-asawa.
“Binisita nga kami ni Mayor Raggi sa ospital at nagbigay ng regalo noong Jan 1”, dagdag pang kwento ng mga magulang ni Lucas.
Pinaunlakan rin ang pagdiriwang ng filipino community sa pangunguna nina Mr. & Mrs. Stefano Lami, Ariel Lachica ng Federfil Europe at Pia Gonzalez ng Ako ay Pilipino.
“Minarkahan ng pagdiriwang ang ‘integrasyon’, tanda lamang na ang filipino community ay bahagi na ng sosyedad at ang mga kabataang dayuhan ang magulang na ipinapangank sa bansa ay bahagi ng kinabukasan ng Italya. Mahalagang sensyales din ito para sa reporma ng citizenship ng mga kabataang ipinanganak sa Italya na kasalukuyang hindi pa ganap na naaaprubahan, ang Ius Soli”, ayon kay Pia Gonzalez.
Bukod sa titolo ng “Little Ambassador of Peace” ay tinanggap din ni Lucas Nathaniel ang isang certificate at gold necklace na kalapati ang pendant na sumasagisag sa kapayaan. Nakatanggap din si Lucas ng “shoes of fortune”.
Ang Women’s Federation of World Peace-Padova ay nasa ika-labinlimang taon na ng pagbibigay parangal sa mga unang sanggol na ipinapanganak taun-taon sa iba’t ibang lungsod ng Italya bilang pagbibigay halaga sa kapayapaang hatis ng mga bagong panganak na sanggol.
PGA